Ang kwentong ating tatalakayin ay nagmula sa isla ng Panay. Ito’y isang kwento na nglalarawan kung paano nabuo ang mundo dahil sa pag ibig. Noong pinakaunang panahon, wala pang mundo o kaya’y kalangitan. Lahat ng bagay ay walang hugis at ang lahat ay walang kaayusan. Sa madaling salita, puno ng kaguluhan. Isang araw, dalawang diyos ang lumitaw mula sa kawalan. Sila ay sina Tungkung Langit o kilala sa tawag na “Haligi ng Kalangitan” at si Alunsina na tinatawag na “Ang Dalaga”. Nahulog ang puso ni Tungkong Langit kay Alunsina. Niligawan niya ito at pakatapos ng napakaraming taon, sila’y ikinasal at nanirahan na sa pinakamataas na bahagi ng kalawakan. Nanirahan sila sa lugar kung saan laging maligamgam ang tubig at ang ihip ng hangin ay napakalamig.
Si Tungkong Langit ay napakasipag at mapagmahal na diyos. Siya ang pinunong na ang nais lamang ay magdala ng kaayusan sa mga bagay na puno ng kaguluhan. Siya ang umaako ng responsibilidad sa mga nangyayari sa kalawakan. Sa kabilang banda naman, si Alunsina ay tamad, selosa, at madamot na ang tanging ginagawa lamang ay umupo sa tabi ng bintana ng kanilang bahay at libangin ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pag-iisip ng kung anu-ano. Minsan, sya’y bumababa ng kanilang bahay, nauupo sa tabi ng kanilang pinto, at nagsusuklay ng kanyang napakahabang buhok maghapon. Isang araw, nagpaalam si Tungkong Langit kay Alunsina,
“Aking mahal na Alunsina, ako’y aalis muna. May kaguluhan kasing nang yayari sa aking nasasakupan, aayusin ko muna ito. Babalik din ako kaagad.
Ngunit, naging mapanghinala si Alunsina kaya pakaalis ng kanyang asawa ay agad niyang tinawag ang hangin, “Hangin! Lumapit ka. Mukhang may gagawin ang aking asawa na nakakapanghinala. Inuutusan kitang sundan at matsagan si Tungkung Langit, at saka sabihin sa akin ang kanyang pinagkakaabalahan. Humayo ka.” At noong nalaman ito ni Tungkung Langit, naubos ang kanyang pasensya at lubusan syang nagalit kay Alunsina. Pagkabalik na pagkabalik ni Tungkung Langit, tinawag nya si Alunsina at sinabing,
“Bakit mo ako pinaghihinalaan? Hindi iyon gawain ng isang diyosa! Pano mo naisip na pagtataksilan kita eh walang ibang nabubuhay dito kundi tayong dalawa?” Ang mga pahayag na iyon ay lubusan ding ikinagalit ni Alunsina at pinagmulan ito ng kanilang away. Inalis ni Tungkung Langit ang kapangyarihan ni Alunsina at pinalayas nya ito. Bigla na lang naglaho si Alunsina at hindi alam ni Tungkung Langit kung saan sya nagtungo.
Maraming araw ang lumipas at si Tungkung Langit ay nakaramadam ng labis na kalungkutan.Pinagsisihan nya ang kanyang ginawa. Ngunit huli na ang lahat. Ang lugar na dating puno ng kaligayahan at napakagandang tinig ni Alunsina ay napalitan ng kalungkutan. Sa tuwing gigising sya sa umaga, nag-iisa na lamang sya. At sa pag-uwi nya tuwing hapon, tanging kalungkutan pa rin ang kanyang nadarama dahil wala na ang Alunsinang naghihintay sa kanyang pagdating. Lumipas ang mga mga araw at buwan, si Tungkung Langit ay nabubuhay pa rin sa mundong puno ng kalungkutan. At sa kanyang pagiging desperado, nagpasya siyang gumawa ng paraan para mawala ang kanyang kalungkutan.
Isang araw, habang sya’y naglalakbay sa mga ulap, isang ideya ang kanyang naisip. Naisip nya na gumawa ng mundo at karagatan. At sa isang iglap, bilang lumitaw ang lupa at katubigan. Ngunit, di naging kanais nais sa kanyang paningin ang kanyang mga ginawa kaya bumaba sya sa lupa at nagtanim sya ng mga puno at magagandang bulaklak. Kinuha nya rin ang mga alahas ni Alunsina at ikinalat ito sa mundo dahil nagbabakasakali syang makita ang mga ito ni Alunsina at naisin ng bumalik sa kanilang bahay. Ang kwintas ni Alunsina ay naging mga bituin, ang suklay ay naging buwan, at ang korona ni Alunsia ay naging araw.
Ngunit sa kasamaang palad, sa kabila ng mga ginawang paraan ni Tungkung Langit, hindi na bumalik ang kanyang pinakamamahal na Alunsina. Hanggang ngayon, sinasabi pa rin ng mga matatandang katutubo na mag-isa pa ring naninirahan si Tungkung Langit sa kanyang bahay sa kaitaasan. Minsan, kapag lungkot na lungkot si Tungkung Langit,ang kanyang mga luha ay pumapatak sa mundo. At paniniwala rin ng mga taga Panay hanggang ngayonna ang ulan ay ang luha ni Tungkung Langit. At kung kumukulog naman, boses ito ni Tungkung Langit na tinatawag si Alunsina.