Sa paksang ito ay mapag aaralan natin kung ano nga ba ang lakbay sanaysay, mga uri at ilan sa mga halimbawa nito. Tara na’t ating talakayin ang mundo ng sanaysay!
Ano nga ba ang Lakbay Sanaysay?
– Ito ay isang sanaysay na karaniwang nagpapahayag ng karanasan o paglalakbay ng may – akda na kanyang nagawa sa isang punto ng kanyang buhay.
MGA URI NG LAKBAY SANAYSAY
1. Pormal
– Ang tinatalakay sa uri na ito ay mga seryosong mga paksa na nagtataglay ng masusi at masusuring pananaliksik ng taong sumulat. Ito ay kadalasang nagbibigay ng impormasyon ukol sa isang tao, hayop, bagay, lugar, o pangyayari.
Halimbawa:
Karilagan ng Ifugao
Noong nakalipas na mga taon, balakid ng Banaue Rice Terraces ang parangal na makasama sa 7 Wonders of the World. Pagtatanim at pagsasaka ang kabuhayan ng mga lokal dito kung saan samut saring ani ang pinagkakakitaan sa loob ng taon. Maliit lang ang kinikita sa bawat ani dahil hindi ganun ka suportado ng gobyerno ang industriya ng agraryo. Sa kabilang dako, sagana naman ang Ifugao o Mountain Province kung kabuoan sa usapang turismo dahil sa kamangha-manghang pook-pasyalan. Isa na dito ang Museo ng Kiangan kung saan masisilayan ang nakaraan ng digmaan laban sa mga Amerikano sa panahon ni Aguinaldo. Dulot ng digmaan, puno ng trintsera sa bawat paanan ng bundok o ‘di kaya’y sa mga talampas. Sa pamumuno ni Heneral Luna at Heneral Goyo ay masasaksihan natin ang nasyonalismo at bahid ng tapang sa Awa Victory Site, Banaue Poblacion, Million Dollar Hill, at Yamashita Surrender Site sa Ifugao. Punong-puno ng yaman sa kultura at kasaysayan ng munisipalidad, ano pa kaya ang mga iba’t-ibang pook sa ibang probinsya? Sa isang probinsya lamang, buhay ang pangangalaga ng pamana at kultura ng Pilipinas. Nararapat lamang na pahalagahan ito at paunlarin pa ang bawat munisipalidad hindi lamang sa aspeto ng turismo o agraryo, kundi sa kabuuang ekonomiya na ito. Hindi natin tunay na maitatawag na ang Pilipinas ay isang bansang naka pag unlad kung hindi natin binibigyan ng kahalagahan ang ating mga lupang may pinagmulan.
Isinulat ni : Brian Guinto
2. Di Pormal
– Ito ay isang sanaysay kung saan tinatalakay ang mga paksang magaan, pangkaraniwan, pang araw araw at personal.
Halimbawa:
Maalwang Mutya: Pagudpud
Sabi nila, ang paglalakbay ay kaakibat ng paglago at pagtatagpo. At kung ibig mong suyudin ang rahuyo ng kapuluan sa Pilipinas, bakit ‘di natin simulan sa kahila-hilagaan ng lupalop ng Luzon? sa Pagudpud, Ilocos Norte. Itinuturing na “Boracay ng Hilaga” ang Pagudpud, subalit sa natatanging rikit at hinahon na dala sa pakiramdam ng kapaligiran, hindi sasapat na ikumpara ito sa Boracay. Kapansin-pansin ang purong puting buhangin sa dalampasigan ng karagatan. Ang maalwan at banayad na simoy na hangin ay tamang-tama sa busog kong mga mata mula sa maririlag na pagkakaporma ng mga bato, at simpleng buhay na mapapansin sa mamamayan ng Pagudpud. Sampung oras na biyahe ito mula Maynila kung sasakay ng bus, o may pribadong kotse na magagamit; samantalang apat na oras lamang kung sasakay ng eroplano. Higit sa oras ng pagbiyahe ang ginhawa at aliw na hatid sa’kin ng Pagudpud, lalo na nu’ng marating ko ang aplaya, at mapuntahan ang tinaguriang kauna-unahang “windmill farm” ng Timog-Silangang Asya, ang Bangui Windmills.
Tunay na isa rin sa nagbibigay kulay ng paglalakbay ay ang mga taong nakasalamuha. Kasama ko ang aking pamilya sa biyaheng ito, at iba talaga ang pakiramdam ‘pag labis na ngiti ang nasisilayan mula sa mga taong malalapit sa’kin, at sama-samang nagtatawanan sa mga simpleng banat habang nagpapalipas-oras buhat ng mahabang biyahe. Sabayan na rin ng mabubuting residente ng Pagudpud, na walang humpay ang pagtanggap at pagturing sa’ming pamilya bilang kanila. Walang kapantay ang pagsasalo-salo sapagkat masisilayan talaga rito ang kultura ng bawat Pilipino, na nanunuot sa ating dugo, ang kultura ng pagbibigayan at pagdadamayan.
Kung may lugar man akong babalik-balikan, ito ay ang Pagudpud. Hinding-hindi ko malilimutan ‘yung pakiramdam na payapa at masaya; simple at makulay. Subukan mo ring tanawin ang banaag ng lumulubog na araw sa baybay-dagat ng Pagudpud. Bigyan mo rin ng pagkakataon na pukawin ang iyong puso, at katagpuin ang destinasyong ito. Sabi ko nga nu’ng umpisa, hindi mo matatagpuan kung ‘di mo lalakbayin.
Isinulat ni: Langcay, Miqy L.
Ano nga ba ang mga dapat tandaan sa pagsulat ng isang lakbay sanaysay?
- Magkaroon ng kaisipang manlalakbay sa halip na isang turista
- Sumulat sa unang panauhang punto de-bista
- Tukuying ang pokus ng susulating lakbay sanaysay
- Magtala ng mga mahahalagang detalye at kumuha ng mga larawan para sa dokumentasyon habang naglalakbay
- Ilahad ang mga realisasyon o iyong mga natutuhan sa ginawang paglalakbay
- Gamitin ang nakasanayang paraan sa pagsusulat ng sanaysay