Malikhaing Paglalarawan

– Sa paksang ito, ating tatalakayin ang mga detalye ukol sa malikhaing paglalarawan. Ating alamin kung ano nga ba ito, kahalagahan at mga halimbawa upang mas maunawaan natin. Tara na’t simulan na natin!

Ano nga ba ito?

– Ito ay tumutukoy sa pagsasanay kung saan ang pagbabago ng mga saloobin at mga hangarin ay inaasahang makapagdudulot ng panlabas o makatotohanang pagbabago. Nakapaloob dito ang sadyang paggamit ng mga saloobin o imahinasyon ng isang tao upang Makita at makamit ang mga hangarin sa hinaharap, mga pangarap, at mga mithiin sa buhay tulad ng ninanais na karera o mga layunin sa buhay. Ang malikhaing pagsasalarawan ay nangangailangan ng paglalarawan sa diwa ng mga aspirasyon sa pamamagitan ng pagpapagana ng mga pandama.

Bakit nga ba ito mahalaga?

– Ito’y mahalaga sapagkat ito ay makatutulong upang mabawasan o maalis ang mga balisa, alalahanin, depresyon, at takot sa kaisipan. Ang proseso ay tumutulong sa pagkakaroon ng malinaw na pag-iisip at nagbibigay-daan upang makamit ang tagumpay at ito rin ay nakakadagdag ng tiwala sa sarili. May kaugnayan sa pag-asa o positibong pag-iisip ang malikhaing paglalarawan. Kapag positibo ang iyong pag-iisip, naaapektuhan nito ang iyong damdamin at pag-uugali upang gumawa ng mga bagay na progresibo. Ang pangunahing prinsipyo ng malikhaing paglalarawan ay ang pagbabago o pag-apekto sa iyong mga iniisip, maaari mong baguhin ang iyong sarili sa kung ano ang gusto mong mangyari dito.

Halimbawa:

  1. Kung nais mong maging isang ganap na abogado, isalarawan mo ang iyong sarili na pormal na kinikilala bilang nakapasa sa bar exam at ginagawaran ng sertipiko o lisensiya.
  2. Naririnig mo ang palakpakan at paghanga ng mga sumasaksi at nararamdaman mo ang kagalakan ng pagtatagumpay. Ang mga larawang ito sa iyong isipan ay mas mag-uudyok at hihikayat sa iyo na gawin ang mahahalagang hakbang patungo sa iyong pangarap