– Sa paksang ito, ating matutunghayan ang buod ng Takipsilim sa Jakarta. Tara na’t ating tunghayan ang kwentong ito. Basahin na natin!
BUOD
Pumarada ang pulang pula at bagong-bagong Cadillac sa harap ng restawrang maraming nakaparadang kotse. Bumaba mula sa sasakyan ang mag-asawang kakikitaan ng yaman at luho o marangyang pamumuhay.
Umorder ng pagkain ang dalawa nang hindi man lang tumitingin sa mga presyo ng pagkain. Samantala, isang lumang kalesang walang sakay at hila ng isang payat na kabayo ang dumaan sa harap ng restawran sakay ang natutulog na kutsero na si Pak Idjo.
Natutulog ang kutsero habang umaandar ang kanyang kalesa dahil sa init ng panahon at dahil na rin sa gutom at sakit na kanyang nararamdaman. Nagulat ang kabayo at umalma dahil sa naghahabulang aso’t pusa kaya’t bigla itong nadapa. Tumama sa pulang Cadillac ang kalesa at sumira sa ilang bahagi nito.
Lumabas mula sa restawran ang may-ari ng Cadillac na si Raden Kaslan at galit na galit na sinigawan ang takot na takot na si Pak Idjo. Nagpatawag ng pulis si Raden Kaslan upang ituro at mapapanagot sa pagkasira ng kanyang kotse si Pak Idjo.
Luhaang nagpaliwanag si Pak Idjo sa pulis na wala talaga siyang ibabayad sa nasirang sasakyan kaya’t sa huli’y nagdesisyon si Raden na hayaan na ito at pumasok na lang muli sa restawran nang galit na galit pa rin.
ARAL NG KWENTO:
“Ang tagumpay ng isang tao ay magiging ganap lamang kung matututo siyang kanyang puso’y buksan upang dumamay sa mga kaawa-awa’t nangangailangan.”