Sa araw na ito ating tatalakayin ang tungkol sa alamat ng ampalaya. Tara at sabay sabay tayong matuto. Sa lupain ng sariwa ay naninirahan ang lahat ng uri ng gulay na may kanya-kanyang kagandahang taglay. Si Kalabasa na may kakaibang tamis, si Kamatis na may asim at malasutlang kutis, si Luya na may anghang, si Labanos na sobra ang kaputian, si Talong na may lilang balat, luntiang pisngi ni Mustasa, si Singkamas na may kakaibang lutong na taglay, si Sibuyas na may manipis na balat, at si Patola na may gaspang na kaakit-akit.
Subalit may isang gulay na umusbong na kakaiba ang anyo, siya si Ampalaya na may maputlang maputlang kulay, at ang kanyang lasang taglay ay di maipaliwanag. Sa araw-araw na nagdaan walang ginawa si Ampalaya kung hindi ikumpara ang kanyang itsura at lasa sa kapwa niya gulay, at dahil dito any nabuo ang isang maitim na balak.
Nang sumapit ang gabi kinuha ni Ampalaya ang lahat ng magagandang katangian ng mga gulay at kanyang isinuot. Tuwang tuwa si Ampalaya dahilang dating gulay na hindi pinapansin ngayon ay pinagkakaguluhan. Subalit walang lihim na hindi nabubunyag, nagtipon-tipon ang lahat ng gulay na kanyang ninakawan at kanilang sinundan ang gulay na may gandang kakaiba, at laking gulat nila ng makita nilang hinuhubad nito isa-isa ang mga katangian na dapat ay sila ang nagtataglay, at tumambad sa kanila si Ampalaya.
Nagalit ang mga gulay at kanilang iniharap si Ampalaya sa diwata ng lupain, sinumbong nila ang ginawang pagnanakaw ni Ampalaya. Dahil dito ay nagalit ang diwata at lahat ng magagandang katangian na kinuha ni Ampalaya ay kanyang ibinalik dito at laking tuwa ni Ampalaya dahil inisip niya na iyon lamang pala ang kabayaran sa ginawa niyang kasalanan, subalit makalipas ang ilang sandali ay nag-iba ang anyo ni Ampalaya.
Ang balat nya ay kumulubot dahil ang kinis at gaspang na taglay ni upo at kamatis ay nag-away sa loob ng kanyang katawan, maging ang mga iba’tibang lasa ng gulay ay naghatid ng di magandang panlasa sa kanya at paitang dinulot nito, at ang kanyang kulay ay naging madilim.Mula noon ang luntiang gulay na si Ampalaya at magpahanggang ngayon ay hindi pa rin magustuhan dahil sa pait niyang lasa.
Moral Lesson: Maging kontento sa ano mang itsurang taglay. Huwag maging maiinggitin sa kapwa.