Ano ang Dula: Kahulugan at Elemento

Ano nga ba ang Dula? Ating pag-uusapan sa araw na ito ang kahulugan ng Dula, mga elemento nito kasama na dito ang mga anyo. Tara na’t sabay sabay natin itong pag aralan.

Ang Dula ay tinatawag ding “drama”o “play” sa wikang ingles (english).

Ang dula ay isang uri ng panitikan. Nahahati ito sa ilang yugto na maraming tagpo. Pinakalayunin nitong itanghal ang mga tagpo sa isang tanghalan o entablado, hindi upang basahin lamang ng
mahina o malakas sa silid-aralan. Mauunawaan at matutuhan ng isang manunuri ng panitikan ang ukol sa isang dula sa pamamagitan ng panonood.

Ang manunulat ng dula ay karaniwan na nagiging anino na lamang ng mga tauhan. Ang bawat salita ng mga tauhan ay binibigkas o ipinararating sa mga manonood ng mga nagsisiganap. Ito ang diyalogo o pag-uusap ng mga tauhan na binibigyang buhay ng mga aktor.

Bukod sa diyalogo, mahalaga rin sa dula ang pagkilos ng gumaganap; ang pagbabagu-bago ng damdamin mula sa malungkot hanggang sa masaya, o ang
kabaligtaran nito. Mahalaga ring ipadama o ipakita sa mga manonood ang panahon at
lugar ng pangyayari. Malaking tulong din sa dula ang pagbibihis sa mga aktor ng akmang
kasuotan, pagpinta ng mukha, pag-iilaw sa tanghalan at paglapat ng tunog o musika.

Gaya ng ibang panitikan, ang karamihan sa mga dulang itinatanghal ay hango sa totoong buhay maliban na lamang sa iilang dulang likha ng malikhain at malayang kaisipan.

Lahat ng itinatanghal na dula ay naaayon sa isang nakasulat na dula na tinatawag na iskrip. Ang iskrip ng isang dula ay iskrip lamang at hindi dula, sapagkat ang tunay na dula ay yaong pinanonood na sa isang tanghalan na pinaghahandaan at batay sa isang iskrip.

Sangkap ng dula

  • Tagpuan – panahon at pook kung saan naganap ang mga pangyayaring isinaad sa dula
  • Tauhan – ang mga kumikilos at nagbibigay-buhay sa dula; sa tauhan umiikot ang mga pangyayari; ang mga tauhan ang bumibigkas ng dayalogo at nagpapadama sa dula
  • Sulyap sa suliranin – bawat dula ay may suliranin, walang dulang walang suliranin; mawawalan ng saysay ang dula kung wala itong suliranin; maaaring mabatid ito sa simula o kalagitnaan ng dula na nagsasadya sa mga pangyayari; maaaring magkaroon ng higit na isang suliranin ang isang dula
  • Saglit na kasiglahan – saglit na paglayo o pagtakas ng mga tauhan sa suliraning nararanasan
  • Tunggalian – ang tunggalian ay maaaring sa pagitan ng mga tauhan, tauhan laban sa kanyang paligid, at tauhan laban sa kanyang sarili; maaaring magkaroon ng higit sa isa o patung-patong na tunggalian ang isang dula
  • Kasukdulan – climax sa Ingles; dito nasusubok ang katatagan ng tauhan; sa sangkap na ito ng dula tunay na pinakamatindi o pinakamabugso ang damdamin o kaya’y sa pinakakasukdulan ang tunggalian
  • Kakalasan – ang unti-unting pagtukoy sa kalutasan sa mga suliranin at pag-ayos sa mga tunggalian
  • Kalutasan – sa sangkap na ito nalulutas, nawawaksi at natatapos ang mga suliranin at tunggalian sa dula; ngunit maaari ring magpakilala ng panibagong mga suliranin at tunggalian sa panig ng mga manonood

Elemento ng Dula

  1. Iskrip o nakasulat na dula – ito ang pinakakaluluwa ng isang dula; lahat ng bagay na isinasaalang-alang sa dula ay naaayon sa isang iskrip; walang dula kapag walang iskrip
  2. Gumaganap o aktor – ang mga aktor o gumaganap ang nagsasabuhay sa mga tauhan sa iskrip; sila ang nagbibigkas ng dayalogo; sila ang nagpapakita ng iba’t ibang damdamin; sila ang pinanonood na tauhan sa dula
  3. Tanghalan – anumang pook na pinagpasyahang pagtanghalan ng isang dula ay tinatawag na tanghalan;tanghalan ang tawag sa kalsadang pinagtanghalan ng isang dula, tanghalan ang silid na pinagtanghalan ng mga mag-aaral sa kanilang klase
  4. Tagadirehe o direktor – ang direktor ang nagpapakahulugan sa isang iskrip; siya ang nag-i-interpret sa iskrip mula sa pagpasya sa itsura ng tagpuan, ng damit ng mga tauhan hanggang sa paraan ng pagganap at pagbigkas ng mga tauhan ay dumidipende sa interpretasyon ng direktor sa iskrip
  5. Manonood – hindi maituturing na dula ang isang binansagang pagtanghal kung hindi ito napanood ng ibang tao; hindi ito maituturing na dula sapagkat ang layunin ng dula’y maitanghal; at kapag sinasabing maitanghal dapat mayroong makasaksi o makanood.

Ang dula ay mauuri sa anyo nito na maaaring maikli lamang at maari rin namang napakahaba. Yaong maikli na binubuo lamang ng isang yugto ay tinatawag na IISAHING YUGTONG DULA o DULA-DULAAN.

Iyon namang mahaba na binubuo ng tatlong yugto ay tinatawag na TATLUHING YUGTONG DULA.

Mayroon din namang katamtaman lamang ang haba, hindi gaanong maikli, hindi gaanong mahaba, at
karaniwang dadalawahing yugto lamang ay tinatawag namang DADALAWAHING YUGTONG DULA.

URI NG DULA AYON SA PAKSA O NILALAMAN:

Komedya – katawa-tawa, magaan sa loob dalhin ang tema, at ang mga tauhan ay laging
nagtatagumpay sa wakas.
Trahedya – kung ang tema nito’y mbigat o nakasasama ng loob kaya nakaiiyak, nakalulunos ang mga tauhan, karaniwang sila ang nasasadlak sa kamalasan, kabiguan, kawalan at maging sa kamatayan, kaya nagwawakas na malungkot
Melodrama – o soap opera, ito’y sadyang namimiga ng luha sa manonood na parang wala ng masayang bahagi sa buhay ng tahanan kundi pawang problema na lamang ang nangyayari sa araw-araw.
Tragikomedya – magkahalo ang katatawanan at kasawian gaya ng mga dula ni Shakespeare.

Basahin ang mga Halimbawa ng Dula.