Sa araw na ito ating tatalakayin ang tungkol sa isang mitolohiya na nagmula sa Kenya na sinalin ni Roderic P. Urgelles. Tara na at sabay sabay tayong matuto.
Isinilang si Liongo sa isa sa pitong bayang nasa baybaying- dagat ng Kenya. Siya ang nagmamay-ari ng karangalan bilang pinakamahusay na makata sa kanilang lugar. Malakas at mataas din siya tulad ng isang higante, na hindi nasusugatan ng ano mang mga armas. Ngunit kung siya’y tatamaan ng karayom sa kaniyang pusod ay mamamatay siya. Tanging si Liongo at ang kaniyang inang si Mbwasho ang nakaaalam nito. Hari siya ng Ozi at Ungwana sa Tana Delta, at Shangha sa Faza o isla ng Pate.
Nagtagumpay siya sa pananakop ng trono ng Pate na unang napunta sa kanyang pinsang si Haring Ahmad (Hemedi) na kinilalang kauna-unahang namuno sa Islam. Ang pagbabago ay naging mabilis mula sa Matrilinear na pamamahala ng mga kababaihan tungo sa Patrilinear na pamamahala ng kalalakihan sa pagsasalin ng trono. Nais ni Haring Ahmad na mawala si Liongo kaya ikinadena at ikinulong siya nito.
Nakaisip si Lionggo ng isang pagpupuri. Habang ang parirala (Refrain) nito ay inawit ng mga nasa labas ngbilangguan, bigla siyang nakahulagpos sa tanikala na hindi nakikita ng bantay. Nang makita ito ng mga tao, tumigil sila sa pag-awit. Tumakas siya at nanirahan sa Watwa kasama ang mga taong naninirahan sa kagubatan. Nagsanay siyang mabuti sa paghawak ng busog at palaso na kinalaunan ay nanalo siya sa paligsahan ng pagpana. Ito pala’y pakana ng hari upang siya ay madakip at muli na naman siyang nakatakas. Kakaunti lang ang nakaaalam tungkol sa matagumpay na pagwawagi ni Liongo sa digmaan laban sa mga Gala (Wagala). Kaya naibigay ng hari ang kaniyang anak na dalaga upang ang bayaning si Liongo ay mapabilang sa kaniyang pamilya. Nang lumaon si Liongo ay nagkaanak ng isang lalaki nanagtraydor at pumatay sa kaniya.