Ano ba ang pagmamahal sa bayan?
Ang pagmamahal sa bayan ay ang pagkilala sa papel na dapat gampanan ng bawat mamamayang bumubuo rito. Tinatawag din itong patriyotismo, mula sa salitang pater na ang ibig sabihin ay ama na karaniwang iniuugnay sa salitang pinagmulan o pinanggalingan. Ang literal na kahulugan nito ay pagmamahal sa bayang sinilangan (native land).
Ang pagsasabuhay nito ay sa pamamagitan ng marubdob na paggawa ng trabahong pinili o ibinigay, aktibong pakikilahok sa interes ng mayorya o kabutihang panlahat, pagsawata sa mga kilos na di makatarungan at hindi moral (Institute for Development Education Center for Research and Communication). Kadalasang iniuugnay ang patriyotismo sa nasyonalismo ngunit hindi magkasingkahulugan ang dalawang ito.
Ang nasyonalismo ay tumutukoy sa mga ideolohiyang pagkamakabayan at damdaming bumibigkis sa isang tao at sa iba pang may pagkakaparehong wika, kultura, at mga kaugalian o tradisyon. Iba ito sa patriyotismo dahil isinasaalang-alang nito ang kalikasan ng tao. Kasama rin dito ang pagkakaiba sa wika, kultura, at relihiyon na kung saan tuwiran nitong binibigyang-kahulugan ang kabutihang panlahat.
Ikaw, gaano kalawak ang iyong kaalaman tungkol sa pagmamahal sa bayan? Ano na ang nagawa mo para masabing mahal mo ang bayan?
Ang Kahalagahan ng Pagmamahal sa Bayan
Ang pagmamahal sa bayan ay mahalaga. Walang sinuman ang ligtas sa pagsasabuhay ng responsibilidad na ito, dahil ang tao ay umiiral na nagmamahal at sumasakatawang-diwa. Ito ay nangangahulugan na tayo bilang tao ay umiiral sa mundo kasama ang ating kapuwa.
Para maunawaan mo kung gaano kahalaga ang pagmamahal, gawin nating halimbawa ang sumusunod:
Una, ano ang mangyayari sa isang pamilya kung hindi kinakikitaan ng pagmamahal ang bawat miyembro nito? Maaaring ang mag-asawa ay magkahiwalay, ang mga anak magkaniya-kaniya at sa pagtanda ng mga magulang, walang kakalinga sa kanila. Magulo at nakalulungkot, di ba?
Ikalawa, ano ang mangyayari sa grupo ng manlalaro kung hindi nila ipinamalas ang pagmamahal sa kapuwa manlalaro nila sa kanilang koponan? Maipapanalo ba nila ang grupo? Di ba lagi mong naririnig ang salitang puso sa tuwing kinakapanayam ang manlalaro na nagbigay nang malaking puntos upang ipanalo ang koponan?
Kung magbabalik-aral ka at itatanong sa iyo ng iyong guro kung saan unang naituro ang pagmamahal, marahil maaalala mo ang iyong pagkatututo sa modyul na tungkol sa pamilya. Dito mo natutuhan na ang pamilya ang unang paaralan ng pagmamahal; pinapalawak ito sa paaralan at pinauunlad ng pakikisalamuha sa kapuwa sa lipunang kinagagalawan. Kung ang pagmamahal ay nadarama sa bawat miyembro ng pamilya, walang pamilyang magkakawatak-watak. Magiging masaya at makakaya nila ang bawat hamon ng buhay.
Para sa isang koponan na nagpamalas ng pagmamahal sa grupo at miyembro nito, hindi lang pagkapanalo sa mga laro kundi magkakaroon ng sense of pride at mataas na tingin sa sarili. Ang pagmamahal na ito ang siyang magiging daan upang makamit ang mga layunin na gustong maisakatuparan.
Kung isasabuhay natin ang pagmamahal sa bayan; may mangyayari bang patayan? May manloloob at magmamalabis ba sa kapuwa? May mga negosyante bang magtatago ng kanilang paninda upang lumakas ang demand at tumaas ang presyo ng bilihin? Uusbong ba ang walang katapusang isyu ng korapsiyon? May mangyayari bang kalamidad na likha ng tao dahil sa walang pakundangang pagsira ng likas na yaman? Ang mga socio-economic problem na ito ay maiiwasan kung hindi man mapigilan kung may pagmamahal sa bayan. Ang pagmamahal na ito ang magbubuklod sa mga tao sa lipunan.
Ang pagpapamalas ng pagmamahal sa bayan ay pagsasabuhay ng pagkamamamayan; isang indibidwal na ibinabahagi ang talino sa iba, pinangangalagaan ang integridad ng pagkatao, pinahahalagahan ang karangalan ng pamilya, na ang pagmamahal ay likas bilang taong may malasakit para sa adhikaing mapabuti ang lahat.
Ang pagmamahal na ito ay nakaugat sa kaniyang pagkakakilanlan bilang taong may pagmamahal sa bayan na iniingatan ang karapatan at dignidad. Dito lang ba magtatapos ang lahat? Sabi nga, kapag mahal mo ang isang tao, alam mo kung ano ang magpapasaya at ang mahalaga sa kaniya. Wala itong ipinagkaiba sa pagmamahal sa bayan, ang isang mamamayan na may pagmamahal sa bayan ay may pagpapahalaga sa kultura, tradisyon, at pagkakakilanlan ng kaniyang bayan.
Napansin mo ba sa kasalukuyan kung paano dayuhin ng mga turista ang mga lugar na mayaman sa kulturang Pilipino? Ikaw, napuntahan mo na ba ang mga ito? O, mas pinipili mo ang pagiging banyaga sa sariling bayan dahil mas gusto mong pasyalan ang mga lugar na nasa ibang bansa kaysa sa kung ano mayroon tayo? Interesado ka ba kung ang Lakbay-Aral ng paaralan ay sa mga museo o mas gusto mo ang pagpunta sa mga sikat na mall at mga amusement park? Kapag ba inaawit ang pambansang awit, ginagawa mo ba ito ng buong puso? Payag ka ba na itayo ang isang gusali na sisira sa imahe ng isang kilalang parke ng bansa? Ano ang damdaming iiral sa iyo kapag nakikita mo ang mga lugar na tanda ng iyong pagiging Pilipino ay unti-unting winawasak o binubura sa kasaysayan ng bansa?
Ano ang pambansang awit ng bansa? Ano ang pambansang prutas, dahon, hayop, o kahit ang kabisera ng bansa? Mga basic, wika nga sa wikang Ingles kaya lang, marami ang di nakaaalam. Masin ba sa iyo kung ang salitang gagamitin mo ay ingles o pamamaraangjejemon? May sarili kang wika, bakit kaya hindi ito ang iyong ginagamit? Sabi nila, kapag mahal mo ang isang tao, gagawin mo ang lahat. Segurado ako, mahal mo ang bayan at alam ko na may gagawin ka para ito ay maisabuhay, maipakita at maging inspirasyon sa kapuwa Pilipino. Dahil ang pagmamahal mo sa bayan ay paraan upang pahalagahan ang kultura, paniniwala, at pagkakakilanlan.
Sa mga kaisipang nabanggit, nakita mo ba kung gaano kahalaga ang pagsasabuhay ng pagmamahal sa bayan? Ano ang magagawa mo para ibahagi sa iba ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa bayan?
Mga Pagpapahalaga na Indikasyon ng Pagmamahal sa Bayan
Ang lipunan ay binubuo ng mga indibidwal na may iisang tunguhin o mithiin. Ito ay ang mapabuti ang lahat ng kabahagi ng lipunan, ang kabutihang panlahat. Ito ay posible kung ang mga elementong bumubuo rito ay naisasakatuparan: ang paggalang sa pagkatao ng tao, ang tawag ng katarungan, at ang kapayapaan. Magiging maunlad at maayos ang lipunan kung isasabuhay ang mga birtud na itinataguyod nito (Character Building ni David Isaacs).
Ang Pilipinas bilang lipunan ay naghihikayat sa mga mamamayan na isabuhay ang mga birtud na makatutulong upang gumawa ng makataong pagpapasiya at kilos, tungo sa makabuluhan at mabuting pakikipag-ugnayan sa Diyos, kapwa, at sa kapaligiran. Ito ang kahulugan ng birtud ng kabanalan na inuugnay ni Santo Tomas de Aquino sa patriyotismo. Ang sumusunod ay mga pagpapahalagang dapat linangin ng bawat Pilipino upang maisabuhay ang pagmamahal sa bayan. Nakapaloob ang mga ito sa Panimula (Preamble) ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas.
1. Pagpapahalaga sa buhay. Ang paggalang sa buhay ay isang moral na obligasyon sa Diyos ng bawat isa dahil ang buhay ay mula sa Kaniya kaya’t walang sinuman ang maaaring bumawi o kumuha nito kundi Siya. Kasama sa pagpapahalagang ito ang pagpapanatili ng malusog na pangangatawan at isipan. Mahalagang gawin ang makakaya upang maprotektahan ang buhay bilang pagkilala sa dignidad ng tao.
2.Katotohanan. Hindi kailanman matatawaran ang integridad at hindi mapagkunwari, tumatanggi sa anumang bagay na di ayon sa katotohanan, kasama rito ang walang kapaguran at matiyagang paghahanap ng lahat ng uri ng kaalaman. Ang integridad ay pinangangalagaan sa lahat ng oras at pagkakataon.
3. Pagmamahal at pagmamalasakit sa kapuwa. Ang pagpapakita ng malasakit sa kapuwa ay sa pamamagitan ng pagtulong na walang hinihintay na kapalit. Kung wala ako at mayroon ka, hati tayo o puwedeng ikaw muna at sa susunod ako naman. Kasama sa responsibilidad ng isang indibidwal ang tulungan at ipadama sa iba na sila ay bahagi ng ating pagkatao bilang kapuwa tao.
4. Pananampalataya. Ang pagtitiwala at pagmamahal sa Diyos, na ang lahat ay makakaya at posible. Mapauunlad ang pagkaunawa mo rito at ang kahalagahan nito sa iyong buhay at pagkatao.
5. Paggalang. Ang paggalang bilang elemento na bumubuo sa kabutihang panlahat, naipakikita kapag ang karapatan ng isang mamamayan ay hindi natatapakan at naisasabuhay ayon sa tamang gamit nito at napangangalagaan ang dignidad niya bilang tao.
6. Katarungan. Sinesegurado na ang paggalang sa karapatan ng bawat isa ay naisasabuhay, naibibigay sa isang tao kung ano ang para sa kaniya at para sa iba, hindi nagmamalabis o nandaraya sa kapuwa.
7. Kapayapaan. Ang resulta ng pagkakaroon ng katahimikan, kapanatagan, at kawalan ng kaguluhan. May kapayapaan kapag iginagalang ang bawat indibidwal at umiiral ang katarungan. Ang kapayapaan ay indikasyon ng pagkakaroon ng kabutihang panlahat.
8. Kaayusan. Ang pagiging organisado ng ideya, salita, kilos na may layuning mapabuti ang ugnayan sa kapuwa. Ang pagiging disiplinado sa lahat ng pagkakataon.
9. Pagkalinga sa pamilya at salinlahi. Ang pangingibabaw ng papel ng pamilya bilang pangunahing institusyon ng lipunan na siyang tutugon sa pag-unlad na inaasam sa ikabubuti ng lahat. Binibigyanghalaga rito ang kasal bilang pundasyon ng pamilya at kumikilos upang mapangalagaan ang pisikal, moral, ispiritwal, at panlipunang pag-unlad ng bawat miyembro nito lalong-lalo na ang mga bata. Kasama na rito ang pagtuturo sa mga bata ng kultura, paniniwalang kinagisnan na kailangang ipagpatuloy na isabuhay at ang paggalang sa pagkakakilanlan ng bansa.
10. Kasipagan. Ang pagiging matiyaga na tapusin ang anumang uri ng gawain nang buong husay at may pagmamahal. Ginagamit ang talento at kahusayan sa pamamaraang nakatutulong sa kapuwa nang buong kagalakan.
11. Pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran. Ang pagsasabuhay ng responsibilidad bilang tagapangalaga ng kalikasan at ng mga bagay na nilikha ng Diyos laban sa anumang uri ng pang-aabuso o pagkawasak.
12. Pagkakaisa. Ang pakikipagtulungan ng bawat indibidwal na mapag-isa ang naisin at saloobin para sa iisang layunin. Ang kaisipang “ikaw, ako, sila, tayo ay magkasama sa pag-unlad bilang isa” ay tanda ng pagiging mabuting mamamayan.
13. Kabayanihan. Sinasagot nito ang tanong na: Ano ang magagawa ko para sa bayan at sa kapuwa ko?
14. Kalayaan. Ang pagiging malaya na gumawa ng mabuti, mga katanggap-tanggap na kilos na ayon sa batas na ipinapatupad bilang pagsasabuhay ng tungkulin ng isang taong may dignidad.
15. Pagsunod sa batas. Ang pagkilala, paghihikayat, at pakikibahagi sa pagsasabuhay ng mga ipinasang batas na mangangalaga sa karapatan ng bawat mamamayan. Isa ito sa mga sa pangunahing susi sa pagunlad ng bansa bilang pagsasabuhay ng makataong lipunan.
16. Pagsusulong ng kabutihang panlahat. Ang sama-samang pagkilos upang mahikayat ang lahat na lumahok sa mga pagkakataong kinakailangan para sa ikabubuti hindi lamang ng sarili, pamilya kundi ng lahat.