Sa araw na ito ay ating aalamin ang tungkol sa parabula ng posporo. Tara na at sabay-sabay tayong matuto.
Madilim at siksikan sila sa loob ng kaha ng posporo. Ayaw masilawan ng araw ang bawat isa sa kanila. Sa takot na kapahamakan mangyari sa kanila. Hindi nila alam kung bakit kailangan nilang malagasan ng kasamahan, dahil hindi na bumabalik ang kanilang kaibigang posporo.
Isang araw, may isang nagmatapang na posporo. Sabi nya, gusto kong malaman ang mayroon sa labas, gusto kong ako ang mabunot. Sabi ng isang kasamahan,”wag! nakakatakot sa labas, nakakasilaw, baka ano pang mangyari sa’yo sa labas!, dito ka na lang, sama-sama tayong ligtas”. Ngunit hindi nakinig ang disididong posporo na gustong mabunot. “Hindi, kung ayaw nyo, ako na lang sana ang mabunot, gusto kong makita kung ano pa ang meron sa labas, maaari rin namang may magagandang bagay doon”.
Hindi nagtagal ay muling nagbukas ang kaha, sumilip ang nakakasilaw na liwanag sa madilim na loob ng kahon. At nabunot ang posporo na disididong malaman ang kung ano pa ang nasa labas ng kaha. Gaya ng inaasahan ng mga naiwang posporo, hindi na bumalik ang kaibigan nila.
Sabi ng isa, “sabi ko sa inyo eh, mas ligtas tayo dito, hindi na sya bumalik”. Makailang sandali lang, nagbukas na naman ang kaha at bumunot ng posporo. Sa pagkakataong iyo’y nabunot si posporong ayaw magpabunot. Takot na takot at nanlalamig sya. At tuluyan na nga syang nakawala sa madilim na kahang iyon. Nangangatog habang hawak sya, at isang nag-aalab na apoy ang sa ulo nya’y nagningas. Sya ay tuwang tuwa dahil sa nakita nya.
Nagsilbi syang liwanag sa madilim na panulukan at sinindihan ang isang kandila gamit ang apoy sa ulo nya. Doon nya nasabi sa kanyang sarili na napakasaya sa pakiramdam na ako pala ay isang liwanag na ang silbi ko ay nagbibigay tanglaw sa madilim na panulukan. At gamit sya, inilawan nya ang isang kandila at lalo syang napamalas sa kagandahang kanyng nakita. Maaliwalas dahil sa liwanag”.
Ang kwento ng posporo ay parang kwento din ng buhay ng tao. Minsan, takot tayo na sumubok na makilala natin ang ating sarili. Dahil ang sa alam lang natin ang ating limitasyon. Ngunit gaya ng kwento ng posporo, may kanya kanya tayong liwanag. Na nais magningas sa puso natin. Ngunit pinapaimbabawan tayo ng takot at duda.
Parang tao, na may mababang tiwala sa sarili. Takot na diskubrehin ang meron pa sa atin. Dahil ang tanging alam lang natin ay hanggang doon na lamang ang ating makakaya. Kaya nananatili sa ganoong estado ang ating paniniwala sa buhay. Ang resulta, hindi marunong makihalubilo, mahiyain, matatakutin at higit sa lahat, sarado ang buhay sa ibang tao.
Ngunit kung gaya tayo ng disididong posporo na malaman kung ano pa ang meron sa labas, masasabi natin sa ating sarili na hindi lang pala sa apat na kanto kaha umiikot ang buhay natin. Dahil marami pang oportunidad ang naghihintay sa atin. Walang masama kung ating susubukan.
Ang kahinaan ng tao ay nababalutan ng takot at pagkamuhi. Ngunit kung ating babaguhin ang pananaw sa buhay, magiging maaliwalas at punung puno ng positibong pananaw ang ating sarili, gaya na lang ng isang nagninigas na posporo.