Ang salawikain ay naglalaman ng mga karunungan at aral tungkol sa kabutihang asal, pakikipag-kapwa tao, pagmamalasakit sa bayan, at pagmamahal at paglilingkod sa Diyos.
Bahagi ng panitikang Pilipino ang mga salawikain. Binubuo ito ng mga salitang matatalinhaga at mapalamuti. Ito rin ay maaaring binubuo ng mga idyoma. Ang bawat kasabihan ay may nakatagong kahulugan. Ang mga salawikain ay binubuo ng mga taludtod, mayroong mga sinulat na magkakatugma at mayroon namang hindi. Ito ay na-aayon sa opinion at saloobin ng indibidwal na gumawa o sumulat nito.
Salawikain Tungkol sa Pamilya
Anak na palayawin, magulang ang patatangisin.
Anakin man ang di anak, bibihira ang magtapat.
Sa inahing mapagkupkop, di man anak sumusukob.
Ang inahing mapamupog ang anak ay sumasabog
Ang pag-aanak ay walang kabuluhan,
kung ang magiging bunga’y palalabuyin lamang.
Ang magulang na masama,
kapag nagkaanak ng mabuti ay isang himala.
Ang mag-asawang walang bunga,
parang kahoy na walang sanga.
Ang sa babaeng hiyas ang sa puri’y pag-iingat;
At ito’y siyang tumpak sa dalaga ma’t sa kabiyak.
Ang huni ng ibong tikling sa itaas ng balimbing,
kapag ang asawa’y labis kung maglambing mag-ingat ka,
pare’t puso’y kabilanin.
Kung di magbubunga ang pagmamahalan
parang naghalaman nang walang pakinabang.
Mag-away na lahat ang tao sa daan,
huwag ang magkasi sa loob ng bahay.
Magkulang ka na sa iyong magulang,
huwag lang sa iyong biyenan.
Ang marunong na anak ay ligaya ng ama, ang perhuwisyong anak ay pasanin ng ina.
Pag ang bata’y barumbado, tumanda ma’y tarando.
Anak na di paluhain, ina ang patatangisin.
Ang ibinabait ng bata,
sa matanda nagmula.
Anuman ang tibay ng piling abaka,
ay wala ring lakas kapag nag-iisa.
Kaya matibay ang walis,
palibhasa’y nabibigkis.
Magsama-sama at malakas,
magwatak-watak at babagsak.
Nawala ang ari,
ngunit hindi ang lahi.
Kahit anong bigat ng binubuhat,
kapag tulong-tulong ang mag-anak,
magaan ang pag-angat.
Sa alitan ng magkapatid ay huwag kang makisali;
kapag sila’y nagkasundo, galit sa iyo ang mananatili.
Basahin iba Pang Halimbawa ng mga Salawikain
- Salawikain Tungkol sa Buhay
- Salawikain Tungkol sa Kaibigan
- Salawikain Tungkol sa Katapatan
- Iba pang mga Halimbawa ng Salawikain