Teksto: Kahulugan, Uri at Halimbawa

– Sa paksang ito, ating tatalakayin kung ano nga ba itong teksto, kahulugan at mga uri nito. Tara na’t ating alamin at kunan ng aral ang mababasa natin dito. SiImulan na natin!

Ano nga ba ang Teksto?

– Tinatawag na teksto ang mga pangunahing salita sa anumang babasahin na nagtataglay ng iba’t ibang impormasyon. Maaari din itong nagbibigay ng mensahe o damdamin ng sinuman sa paraang pasulat o nakalimbag.

Matutukoy ding teksto ang orihinal na mga salita o pahayag ng isang awtor sa isang dokumento kabilang ang kaniyang mga paliwanag, puna, pagsasalaysay ng karanasan, paglalarawan ng mga bagay, pagbibigay ng pagtataya o paglalahad ng impormasyon o pag-aanalisa.

Ito ay maaari ding sumaklaw sa ilan pang isinusulat na akda katulad ng mga pelikula, programa sa telebisyon, awitin, patalastas, at iba pang nakalimbag na paalala.

URI NG TEKSTO

1. Tekstong Impormatibo

– Layunin nitong magbigay ng konkretong impormasyon tungkol sa isang tao, bagay, lugar, hayop, o pangyayari. Sinasabing ‘objective’ ang mga tekstong impormatib dahil walang halong anumang opinyon ang pagsasalaysay sa uri ng tekstong ito.

Kabilang sa mga ito ay ang mga kuwentong nagsasalaysay ng mga tunay na pangyayari at mga babasahing mayroon tayo sa paaralan tulad ng mga teksbuk o batayang aklat.

Kadalasang sinasagot nito ang mga tanong na ano, sino, at paano.

Halimbawa:

  1. Si Catriona Grey ang itinanghal na Miss Universe 2018.
  2. Mapapanood ang Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo ng gabi.
  3. Nagpunta sina Marian at Dingdong sa kaarawan ni Karylle.

2. Tekstong Deskriptibo

– Isa namang uri ng naglalarawang babasahin ang tekstong deskriptiv o deskriptibo. Ito ay nagtataglay ng mga impormasyong may kauganyan sa katangian ng mga tao, hayos, bagay, lugar, at mga pangyayari.

Maaari din itong maging tekstong nagpapahayag ng pagkakatulad o pagkakaiba ng mga bagay. Ito rin ay isang paraan ng masining na pagpapahayag ng paghanga sa ilang bagay.

Halimbawa:

  1. Kumukutitap na ang mga ilaw sa napakagandang bahay nina Jonas.
  2. Malulusog at masasarap kumain ang pamilya Sanchez.
  3. Napakabilis umiyak ng batang si Marco kapag inaasar.

3. Tekstong Naratibo

– Isang uri naman ng teksto na nagsasalaysay ng serye ng mga pangyayari ay ang tekstong narativ o naratibo.

Halimbawa:

  1. Naganap daw ang pambubugbog ni Alyas Linda sa kaaawa-awang matanda gabi ng Miyerkules habang nakasakay sila sa dyip. Ngayon ay nasa radio show na ni Tulfo ang kaso.
  2. Ipinalabas noong Hulyo 31, 2019 ang pelikulang Hello, Love, Goodbye na pinagbibidahan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo. Ito rin ang itinanghal na pinakapinanood na pelikulang Pilipino sa kasaysayan.
  3. Ipinanganak si Jose P. Rizal noong Hunyo 19, 1861 sa Calamba, Laguna. Kinitil siya ng mga Espanyol noong Disyembre 30, 1896 sa Bagumbayan.

4. Tekstong Prosidyural

–  Kilala rin bilang teksto ng pagkakasunod-sunod, sumasagot ito sa mga tanong na paano—paano nabubuo ang isang bagay, paano iluto, paano isinasagawa ang isang proseso, o paano naganap ang isang pangyayari.

Halimbawa:

  1. Ihalo ang itlog sa giniling at haluin gamit ang ispatula. Haluin nang maigi at ihulma nang pabilog gamit ang mga kamay.
  2. Pumunta sa website ng DOLE at hanapin ang forms. I-click ang complaints form at i-download ito. Punan ang mga patlang at ipadala sa e-mail ng DOLE.
  3. I-click ang rescan at hintaying matapos ang search. I-refresh ang device at maaari nang mapanood ang paborito mong TV channel.

5. Tekstong Persweysib

– Ito isang uri ng tekstong naglalayong manghikayat ng mga mambabasa. Ginagamit ito sa mga pahayagan, telebisyon, at radyo.

Karaniwang ginagawa ang tekstong persuweysib upang mapukaw ang interes ng mga tao at maniwala sa sinasabi nito

Halimbawa:

  1. Laking mahirap, may malasakit sa kapuwa. Laging maaasahan. Iboto! Juan dela Cruz para Mayor.
  2. Mas makapagpapaputi ng damit kaysa sa Brand X. Gumamit na ng Tide Clean Plus. Para sa puting walang katulad.
  3. Ang surf ay nagbibigay ng todong linis at todong bango. Surf with fabcon. Todo sa linis, todo sa bango.

6. Tekstong Argumentatibo

– to naman ay uri ng teksto na nakatuon sa paglalahad ng mga opinyon, paniniwala o kuro-kuro sa mga mahahalagang isyu o iba pang bagay.

Gumagamit ito ng mga argumento at mga pangangatuwiran. Karaniwang sinasagot ng mga tekstong argumentativ ang tanong na ‘bakit?’ Bagaman nais nitong makapaglahad ng damdamin, kailangan pa ring suportado ito ng katotohanan o facts.

Halimbawa:

  1. Para mapanatiling maayos at malinis ang mga karagatan at ilog, kinakailangan nang tanggalin ang mga illegal settlers sa paligid ng mga ito.
  2. Nararapat lamang na parusahan ng mga magulang ang mga anak nilang pasaway upang maturuan ng displina at maging mabuti.
  3. Hindi totoo ang mga nanghuhula sa Quiapo dahil lumabas sa pag-aaral ng mga eksperto na raket o modus lamang ito ng mga manloloko.

7. Tekstong Humanidades

– Ito ay tumatalakay sa disiplina sa pag-aaral na tumutukoy sa mga sining na biswal kabilang ang mga pinta, awitin, arkitektura, dula, sayaw, o anumang akdang pampanitikan.

Ito rin ay isang uri ng teksto na tumatalakay sa opinyon, nadarama, adhikain, o pangamba ng isang tao sa mga akdang nabanggit.

Halimbawa:

  1. Ang kantang Anak ni Freddie Aguilar ay salamin ng realidad ng buhay ng mga pamilya. Mayroong mga pinagdaraanang pagsubok ang bawat pamilya ngunit nagsisisi rin sa huli.
  2. Ang wikang Filipino ay yaman ng bansang Pilipinas. Ito ang nagiging pakakakilanlan ng mga Pilipino saanmang panig ng mundo kaya naman nararapat lamang itong pagyamanin.
  3. Ang Oblation na iskultura sa University of the Philippines ay nagpapakita ng kalayaan sa pag-iisip, pagpapahayag ng opinyon, at kalayaang matuto ng isang tao.

8. Tekstong Propesyonal

– Ito ay isang komprehensibo at organisadong pagkakalahad ng mga impormasyong isinulat ng isang may-akadang mayroong mahusay at sapat na kaalaman tungkol sa isang paksa.

Kumbaga, isang pagsasaliksik itong ginawa ng isang tao mula sa isang larangan at inilimbag sa isang uri ng babasahin o dokumento.

Hindi maligoy at direkta ang paglalahad ng mga impormasyon sa tekstong propesyonal. Layon lamang nitong magbigay ng isang konkretong pag-aaral at kaalaman tungkol sa isang paksa at hindi ang bigyan ng aliw ang mga mababasa. Kilala rin ito bilang tekstong akademiko.

Halimbawa:

  1. Isang senyales daw na mas matlino ang isang tao kapag mas makalat ang lamesa nito sa trabaho. Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, mas lumalabas daw kasi na mas malikhain at mas madiskarte ang mga magugulo ang lamesa kaysa sa mga organisado.
  2. Mas alerto raw ang mga late gumising at matulog kaysa sa mga maaagang matulog dahil lumabas sa pag-aaral na mas kaya nilang gumawa ng mga bagay nang mas matagal. Hindi raw umano inaantok agad ang mga ito at kayang tumagal sa mga gawain.
  3. Ipinahayag ng journalist na si Kara David na sa pagsusulat daw ng balita, kailangan ang matinding pokus sa mga detalye at impormasyon. Kailangan daw malaman ang mga mahahalagang detalye na dapat ilagay sa isang balita.