Ugnayan ng Sambahayan at Bahay Kalakal

– Sa paksang ito, ating madidiskubre kung ano nga ba ang ugnayan na namamagitan sa Sambahayan at Bahay Kalakal. Tara na’t ating palawakin ang ating kaalaman ukol sa paksang ito.

Bago natin alamin ang ugnayan nila sa isa’t isa, atin munang balikan ang kahulugan ng mga ito.

Ano nga ba ang Sambahayan?

– Ang sambahayan ay isang sektor sa ekonomiya na kinabibilangan ng mga pamilya o ng mga tao na kumikita ng pera. Ito ang nagbibigay mga manggagawa at ng lupa sa mga bahay-kalakal. Sila rin ang bumibili ng mga produkto at serbisyo ng mga bahay-kalakal; dahil dito, maari mo ring masabi na sila ang nagbibigay ng kita sa mga bahay-kalakal. Ginagamit ng mga nasa sambahayan ang mga produkto at serbisyo para sa ikauunlad nila; tulad ng eduksayon, kalusugan, atbp.

Ano ang Bahay Kalakal?

– Ang bahay-kalakal naman ang gumagawa ng mga produkto at serbisyo. Upang magawa ito, kailangan nila ng mga manggagawa. Ito ay isang pangunahing aktor sa modelo ng pambansang ekonomiya na tagalikha ng mga produkto o serbisyo.

ANO NGA BA ANG UGNAYAN NILANG DALAWA?

Nakikipag-ugnayan ang sambahayan at bahay kalakal sa mga pamilihan ng kalakal at paglilingkod dahil dito bibili ang sambahayan ng produkto sa pantugon sa mga pangangailangan o kagustuhan nito. Ang gagamitin ng sambahayan ay ang natanggap nitong kita upang makabili ng mga produkto at serbisyo. Sa pananaw ng sambahayan, dito kumikita ang bahay-kalakal. Ang dalawang aktor na ito ay umaasa sa isa’t isa upang matugunan ang kanilang pangangailangan at kagustuhan. Sa madaling sabi, ang sambahayan ay kalipunan ng mamimili at ang bahay-kalakal ay tagalikha ng mga produkto at serbisyo.

Makikita din ang ugnayan nito sa paikot na daloy ng pera. Narito ang maikling proseso ng mga nangyayari sa paikot na daloy ng pera.

  • Nagbibigay ng manggagawa ang sambahayan sa bahay kalakal.
  • Gumagawa ng mga produkto at serbisyo ang bahay kalakal gamit ang mga likas na yaman at mga trabahador.
  • Binebenta ng bahay kalakal ang mga produkto at serbisyo sa mga nasa sambahayan.
  • Bumibili ng produkto ang mga nasa sambahayan sa anyo ng pera.
  • Kumikita ang mga bahay kalakal mula sa pera ng sambahayan.
  • Binabayaran ng bahay kalakal ang mga manggagawa sa anyo ng sahod ng manggagawa at upa sa lupa.
  • Ginagamit ng mga manggagawa ang sahod para bumili ng mga produkto.
  • Ginagamit ng mga manggagawa ang nabili nilang produkto at serbisyo para sa ikauunlad nila.
  • Ginagamit ng bahay-kalakal ang natirang pera para sa ikauunlad nila tulad ng pagkuha ng mga dagdag na trabahador.