Kwento ni Mabuti at Gintong Aral Nito

– Sa paksang ito, ating matutunghayan ang kwento ni Mabuti. Sino nga ba siya? Atin nang kilalanin! Matutuklasan rin natin ang gintong aral sa kwentong ito. Tara na’t tayo”y magbasa!

Naging klasiko ang kuwentong ito na isinulat ni Genoveva Edroza-Matute na inaaral din ng mga estudyante sa paaralan. Bagaman sa unang mga kaganapan sa kuwento ay hindi ito mababatid na kuwento ito ng pag-ibig.

Nagsasalaysay kasi ang isang mag-aaral tungkol sa kaniyang guro, kaniyang naging paboritong guro. Mabuti ang naging taguri sa guro dahil mahilig siyang magbanggit ng salitang ito.

Magiliw at masiyahin ang guro sa klase kaya naman hindi rin nakapagtatakang idolo siya ng marami sa kaniyang mga estudyante.

“Mabuti… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito… Mabuti… Mabuti!” –Mabuti

Ito ang lagi raw sambit ng guro kapag mag-uumpisa ang klase. Simple lang naman daw talaga ang guro. Ngunit talaga namang tumatak sa kanilang mga mag-aaral ang madalas niyang pagbanggit sa salitang mabuti. Kapag daw nakalilimutan niya ang salitang gustong sabihin, ang mabuti na ang ipinapalit niya sa kaniyang nais banggitin.

“Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin.” –Estudyante ni Mabuti

Pero sa kabila ng mahusay na pagtuturo at pakikisama, at magiliw na personalidad ng guro, isang araw ay hindi inaasahang nakita ng mag-aaral ang guro sa isang silid.

Umiiyak din ang problemadong mag-aaral sa silid nang hindi niya inaasahang makita ang kaniyang guro na naroon din sa silid, at katulad niyang may dinaramdam din.

“Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.” – Estudyante ni Mabuti

Hindi isinalaysay ng guro ang kaniyang pinagdaraanan sa kaniyang mag-aaral. Bagaman batid nitong may problema ang guro dahil sa nasaksihang pagluha nito, lalo niyang hinangaan ang nag-iisang si Mabuti. Naging mapagmasid siya sa gawain at kilos ng guro.

Pero katulad ng mga nakaraang araw, masigla pa rin at masiyahin ito. Walang pagbabago. Tila walang suliraning dinadala. Kaya naman nahirapan siyang mabatid kung ano ang dahilan ng pagluha ng guro.

Madalas mabanggit ni Mabuti ang tungkol sa kaniyang anak sa klase. Marami siyang magandang kuwento. Ngunit minsan lang niyang nabanggit ang tungkol sa ama nitong doktor. Nang mabanggit pa niya ito ay halos mangiyak-ngiyak si Mabuti.

Ngunit may nabalitaan ang mag-aaral ni Mabuti tungkol sa guro. Batid niyang pumanaw na ang ama ng bata, ang ama ng anak ni Mabuti. Pumanaw ang doktor ngunit hindi ito binurol sa kanilang bahay, ngunit sa isang bahay kung nasaan naroon si Mabuti.

“Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat.” Estudyante ni Mabuti

Ito ay kuwento ni Mabuti na nagpapakita ng pag-ibig. Hindi lamang sa pag-ibig sa kaniyang kabiyak kung hindi pagmamahal sa sarili.

Batid ni Mabuti na mabuti ang buhay kahit pangalawang asawa lamang siya, kahit hindi niya totoong pag-aari ang lalaking minamahal. Sa taong tunay na nagmamahal, lahat ng pag-ibig na makukuha ay totoo, lahat ay mabuti.

GINTONG ARAL NG KWENTO:

– Sa isang taong nakadarama ng totoong pag-ibig, walang masama, lahat ay mabuti. Kahit minsan ay suliranin ang dala, kapag totoong pag-ibig ang nakukuha, kahit mali sa mata ng iba ay makapagbibigay ng ligaya.