– Sa araw na ito, ating matutunghayan ang Alamat ng Sampaguita. Tara na’t ating alamin ang kwento na ito. Sabay sabay nating basahin!
Ang “sampaguita” ay isang uri ng bulaklak na malumanay at mabango na karaniwang matatagpuan sa Pilipinas. Ito ay tanyag sa bansa bilang isang pambansang bulaklak ng Pilipinas.
Ang mga bulaklak ng sampaguita ay maliit, kulay-puti mga pétalo. Ang kanilang mabangong amoy ay kadalasang nangyayari sa gabi, na nagbibigay-daan sa paggamit ng mga bulaklak bilang pabango at dekorasyon sa iba’t ibang okasyon tulad ng mga kasal, mga pagdiriwang, at mga relihiyosong seremonya.
Narito ang kwento ng alamat ng Sampaguita:
Sa isang malayong bayan sa Norte ay may isang napakagandang dalaga na Liwayway ang pangalan.
Ang kagandahan ni Liwayway ay nakarating hanggang sa malalayong bayan. Hindi naging kataka-taka kung bakit napakarami ng kanyang naging mga manliligaw.
Mula sa hilaga ay isang grupo ng mga mangangaso ang nagawi sa lugar nina Liwayway. Sa kasamaang palad, si Tanggol, isa sa mga ito ay inatake ng baboy-ramo. Ang binata ay dinala sa ama ni Liwayway para mabigyan ng pangunang lunas. Iyon ang naging daan ng paglakalapit nila.
Umibig sina Liwayway at Tanggol sa isa’t-isa sa maikling panahon ng pagkikilala.
Nang gumaling si Tanggol ito ay nagpaalam kay Liwayway at sa mga magulang niya. Anang binata ay susunduin ang ama’t ina upang pormal na hingin ang kamay ng dalaga.
Puno ng pangarap si Liwayway nang ihatid ng tanaw si Tanggol.
Subalit dagling naglaho ang pag-asa ni Liwayway na babalik si Tanggol tulad ng pangako. Ilang pagsikat na ng buwan mula nang umalis ito ngunit ni balita ay wala siyang natanggap.
Isang dating manliligaw ang nakaisip siraan si Tanggol. Ikinalat nito ang balita na hindi na babalik si Tanggol dahil may asawa na ito.
Tinalo ng lungkot, pangungulila, sama ng loob at panibugho ang puso ni Liwayway. Nagkasakit siya. Palibhasa ay sarili lang ang makagagamot sa karamdaman kung kaya ilang linggo lang ay naglubha ang dalaga at namatay.
Bago namatay ay wala siyang nausal kundi ang mga salitang,
“Isinusumpa kita! Sumpa kita…”
Ang mga salitang “Isinusumpa kita! Sumpa kita…” ang tanging naiwan ni Liwayway kay Tanggol.
Ilang araw makaraang mailibing si Liwayway ay dumating si Tanggol kasama ang mga magulang. Anito ay hindi agad nakabalik dahil nagkasakit ang ina. Hindi matanggap ng binata na wala na ang babaing pinakamamahal.
Sa sobrang paghihinagpis, araw-araw ay halos madilig ng luha ni Tanggol ang puntod ni Liwayway. Hindi na rin siya bumalik sa sariling bayan upang mabantayan ang puntod ng kasintahan.
Isang araw ay may napansin si Tanggol sa ibabaw ng puntod ni Liwayway. May tumubong halaman doon, halaman na patuloy na dinilig ng kanyang mga luha. Nang mamulaklak ang halaman ay may samyo iyon na ubod ng bango. Tinawag iyong ‘sumpa kita’, ang mga huling salitang binigkas ni Liwayway bago namatay. Ang ‘sumpa kita’ ay ang pinagmulan ng salitang ‘sampaguita’.
Aral ng Alamat ng Sampaguita
– Lagi nating pakakatandaan na maniwala lamang sa mga taong pinagkakatiwalaan mo. Laging ikumpirma ang tsimis na naririnig at wag ito ito ay paniniwalaan agad. Kailangan ring nating isapuso na maging matiyaga at pasensyoso sa mga bagay na ating minimithi dahil sabi nga nila, “kapag may tiyaga, may nilaga”. Balang araw ay makukuha rin natin ang mga bagay na ating pinapangarap.
Basahin ang iba pang mga alamat:
- Alamat ng Sampalok
- Alamat ng Makahiya
- Alamat ng Kasoy
- Alamat ng Pinya
- Alamat ng Rosas
- Alamat ng Lansones
- Alamat ng Pakwan