Sa araw na ito ating pag-uusapan ang mga uri ng anyong Lupa. Tara at sabay-sabay tayong matuto.
Mayroong iba’t-ibang uri ang anyong Lupa. Kabilang na dito ang Bundok, Bulkan, Burol, Lambak, Kapatagan, Bulubundukin,Talampas, at Tangway.
Uring mga Anyong Lupa ANYONG LUPA
Bundok
Isa sa mga kilalang anyong lupa ay ang bundok. Maraming bundok sa iba’t ibang dako ng mundo. Ito ay makikilala dahil sa mataas na pagtaas ng lupa. Pabilog o patulis ang tuktok nito.
Halimbawa ng Bundok:
Bundok Apo
Bulubundukin
Ang bulubundukin ay binubuo ng maraming magkakahanay nabundok o pagtaas ng lupa ng daigdig. Mas matataas at matatarik ito kaysa sa bundok.
Halimbawa ng Bulubundukin: Bulubundukin ng Sierra Madre, Cordillera, Zambales, at hanay ng mga bundok sa Mindanao.
Bulkan
Ang bulkan ay isa ring uri ng bundok. Subalit, malaki ang ipinagkakaiba nila dahil ang bulkan ay maaring sumabog ano mang oras. Ito ay naglalabas ng “lava”, gas, apoy, asupre, abo, at bato.
May mga bulkan na aktibo at mayroon din namang hindi aktibo. Ang Pilipinas ay nasa Sona ng Ring of Fire sa Pasipiko dahil dito makikita ang ¾ ng mga aktibong bulkan sabuong mundo.
Halimbawa ng bulkan sa Pilipinas ay ang Bulkang Mayon.
Burol
Bukod sa bulkan, may isa pang uri ng anyong lupa na malapit rin sa bundok. Ito ay ang burol na parang maliliit na bundok ngunit higit na mas mahaba ito at pabilog. Kadalasan, ang burol ay kulay luntian tuwing tag-ulan at kulay tsokolate tuwing tag-araw. Ang isa sa pinakatanyag na burol ayang Chocolate Hills sa Bohol.
Kapatagan
(Plain)
Ito ay ang malawak na lupaing patag na maaring sakahan at taniman. Maraming kapatagan sa Pilipinas lalong-lalo na sa Luzon. Ito ang uring lupa na walang pagtaas at pagbaba. Patag ang lupain na ito at malawak. Mainam itong tamnan ng iba’t ibang pananim katulad ng gulay dahil madali itong linangin.
Tinatawag ang gitnang Luzon na Kamalig ng Palay ng Pilipinas.
Lambak
Ang Lambak ay isang patag na lupa na nasa gitna ng mga bundok. Katulad ng kapatagan, mainam rin itong taniman ng mga mais,gulay, at iba pang pananim dahil mabilis itong linangin.
Isang mahaba at mababang anyong lupa. Nasa pagitan ng bundok at burol at karaniwang may ilog o sapa dito.
Halimbawa ng Lambak
Lambak ng Cagayan: ang pinakamalaking lambak sa bansa.
Lambak ng LaTrinidad: ay tinaguriang Salad Bowl ng Pilipinas.
Talampas
Ang Talampas ay mataas ngunit patag ang ibabaw. Ito ay medyo malapit sa Lambak. Madali rin itong linangin at patag rin. Ang ipinagkakaiba nila ay sa lokasyon. Ang Talampas ay makikita sa isang mataas na lugar habang ang Lambak naman ay kadalasan sa mga mababang lugar napapalibutan ng bundok.
Halimbawa ng Talampas:
Ang talampas ng Bukidnon at ang kinikilalang Summer Capital of the Philippines-ang Baguio
Tangway
Isa sa mga anyong lupa ay ang Tangway. Ito ay lupa na nakausli ng pahaba at may tubig sa paligid ng tatlong sulok nito. Ang Zamboanga Peninsula ay isang halimbawa ng tangway.