Sa araw na ito ating tatalakayin ang tungkol sa Buod ng Alegorya ng Yungib. Tara at sabay sabay tayong matuto.
Ayon kay Plato, tayo ay tulad ng isang tao na nasa loob ng kuweba, naka-tanikala at nakaharap sa dingding ng yungib. May apoy sa ating likuran at ang tanging nakikita natin ay mga anino ng mga bagay sa labas ng kuweba. At dahil dito, kakailanganin nating humulagpos sa tanikala at lumabas ng kuweba upang makita ang katotohanan tungkol sa mga bagay. Ang larawang ito ang buod ng rasyunalismo ni Plato at ito ay tinaguriang “Alegorya ng Kuweba.” Ayon kay Plato, ang mga imahe ng mga bagay na ating nakikita sa mundo ay pawang mga anino lamang ng katotohanan.
Ang tunay na pag-iral ay nasa ‘Mundo ng mga Ideya.’ Ang mga konsepto ng bagay ay naroroon na sa isipan na natin mula kapanganakan. Kakailanganin lamang nating gamitin ang ating pangangatwiran upang sila’y matuklasan. Taliwas naman ang turo ni Aristotle, na kanyang naging estudyante. Ayon kay Aristotle, ang katotohanan ay ang karanasan sa pamamagitan ngating mga mata, tenga, pandamdam, pang-amoy at panlasa. Ang mga ideya ay wala pa sa ating isip noong tayo’y ipinanganak, taliwas sa turo ng guro niyang si Plato.
Ang isiping tao ay tinagurian ni Aristotle na ‘Tabula Rasa’ na ang ibig sabihin ay blankong tableta. At bawat karanasan sa pamamagitan ng ating senses ay isinusulat sa nasabing tableta. Ang kaisipang ito ay tinawag na empirisismo. Sa paglipas ng mga taon, mas pinanigan ng mga pilosopo at mga siyentipiko ang empirisismo. Kahit ako ay palo sa kaisipan ni Aristotle. Ngunit napag-isip-isip ko, bagama’t mali si Plato, may binuksan siyang pinto sa pagtahak sa mundo ng rasyunalismo– ang pagtingin lampas sa realidad na ating nakikita. Sa tingin ko’y may punto pareho ang dalawang paham. Sa aking pananaw, sa aninong tinuran ni Plato, hindi ibig sabihi’y hindi katotohanan ang ating nakikita kundi may katotohanang mas makapag- papalaya na hindi makikita sa hugis.
Hindi ba’t ang batong ating nakikita ay binubuo ng mga ‘atomos’ na iminungkahi ng dakilang si Democritus? Hindi ba’t ang materya ay patuloy na mahiwaga sa atin? Misteryo pa rin ang pinagmumulan ng grabiti at ang particle na mas maliit sa quark ay di pa rin natutuklasan. Kung titigil tayo sa mga bagay na ating nakikita lamang, wala nang pag-unlad sa ating agham. Sa ganang akin, ang hugis ng mga bagay na ating nakikita ay hugis ng kanilang gamit at ito’y buod ng relatibiti, ng ebolusyon ng pakikisalamuha sa iba pang materya. Alam kong mali ang konsepto ni Plato sa kanyang rasyunalismo ngunit gusto kong sundan ang kanyang lohika– ang pagtuklas sa mas malawak at makapagpapalayang na realidad.