Sa araw na ito ating alamin ang tungkol sa Alamat ng Pinya. Tara na at sabay sabay tayong matuto.
Noong unang panahon may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang ina ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pinang.
Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang bugtong na anak. Kaya lumaki si Pinang sa layaw.
Gusto ng ina na matuto si Pinang ng mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran ni Pinang na alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina. Kaya’t pinabayaan na lang niya ang kanyang anak.
Isang araw nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw.
Isinalang ni Pinang ang lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa, napagsilbihan naman siya kahit paano ng anak.
Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya’t napilitang si Pinang ang gumagawa sa bahay. Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang kanyang ina kung nasaan ito. Isang beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon ng ganoon ang nangyayari.
Walang bagay na di makita at agad tinatanong ang kanyang ina. Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng anak kaya´t nawika nito: ” Naku! Pinang, sana’y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo ang lahat ng bagay at hindi ka na tanong nang tanong sa akin.
Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok na hinahanap.
Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay. Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang sumasagot. Napilitan siyang bumangon at naghanda ng pagkain.
Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya si Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa si Pinang.
Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya alam kung anong uri ang halamang iyon. Inalagaan niyang mabuti hanggang sa ito’y magbunga.
Laking pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito’y hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata.
Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pina, na sana’y magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap. Tahimik na nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil tumalab ang kanyang sinabi sa anak.
Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang, Sa palipat-lipat sa bibig ng mga tao ang pinang ay naging pinya.
Buod ng Alamat ng Pinya
Ang alamat ng pinya ay isang kuwentong bayan na nagpapaliwanag kung paano nagkaroon ng maraming mata ang prutas na ito. Ang alamat ay nagsasalaysay tungkol sa isang mag-inang nagngangalang Rosa at Pinang, na nakatira sa isang liblib na lugar.
Si Pinang ay isang batang tamad at walang alam na gawaing bahay. Siya ay laging naglalaro, kumakain, at natutulog. Kapag inuutusan siya ng kanyang ina, siya ay laging nangangatwiran na hindi niya makita ang mga bagay na kailangan niya. Isang araw, nagkasakit si Rosa at inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw.
Ngunit si Pinang ay napabayaan ang lugaw at nasunog ito. Hindi na nakapagpigil si Rosa at sinumpa niya si Pinang na sana ay magkaroon ito ng maraming mata upang makita ang lahat ng bagay.
Pagkatapos noon, hindi na nakita si Pinang ng kanyang ina. Sa halip, may tumubong isang kakaibang halaman sa kanilang bakuran na may bungang hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata. Ito ang naging pinagmulan ng pinya.
Mga Aral na Mapupulot
Ang alamat ng pinya ay may ilang aral na maaaring matutunan. Una, ang alamat ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagiging masipag at matulungin sa bahay. Hindi dapat maging tamad at layaw ang mga bata, kundi dapat silang matuto ng mga gawaing bahay at tumulong sa kanilang mga magulang.
Ikalawa, ang alamat ay nagpapaalala sa mga magulang na maging maingat sa kanilang mga sinasabi sa kanilang mga anak. Hindi dapat silang magsalita ng masama o magsumpa sa kanilang mga anak, kundi dapat silang maging mahinahon at mapagmahal.
Ikatlo, ang alamat ay nagbibigay ng halimbawa ng pagmamahal sa kalikasan. Ang pinya ay isang prutas na mayaman sa sustansiya at lasa. Dapat nating pangalagaan at pahalagahan ang mga likas na yaman na ibinigay sa atin ng Diyos.
Ang alamat ng pinya ay isa sa mga kuwentong bayan na nagpapatunay ng yaman at ganda ng ating kultura. Ang alamat ay nagbibigay ng kaalaman, kasiyahan, at inspirasyon sa mga mambabasa. Ang alamat ay dapat nating ipagmalaki at ipamana sa susunod na henerasyon.