Anekdota

Ano nga ba ang anekdota? Ating malalaman sa paksang ito.

Ang Anekdota ay isang kuwento ng isang nakawiwili at nakakatuwang pangyayari sa buhay ng isang tao. Layon nito ay makapagpabatid ng isang magandang karanasan na kapupulutan ng aral. Ito’y magagawa lamang kung ang karanasan o ang pangyayari ay makatotohanan.

Katangian ng Anekdota

Isang katangian ng anekdota ay may isang paksang tinatalakay. Ito ay dapat bigyan ng kahulugan sa pagsulat ng anekdota. Lahat ng mga pangyayari ay dapat mabigyan ng kahulugan sa ideyang nais ilahad.

Ang isang anekdota ay nagdudulot ng ganap na pagkaunawa sa kaisipang nais nitong ihatid sa mga mambabasa. Di dapat mag-iwan ng anumang bahid ng pag-aalinlangan na may susunod pang mangyayari.

Elemento ng Anekdota

Tauhan – Sa anekdota, kailangang ang pangunahing tauhan ay isang kilalang tao. Siya’y maaaring bayani o isang pangkaraniwang taong nakagawa ng di-inaasahang gawain na nagbigaypangalan sa kanya.

Tagpuan – Simple at kalimitan ay nagaganap lamang sa isang lugar ang tagpuan sa anekdota.

Suliranin – Ang pangunahing tauhan ang madalas na magkaroon ng suliranin sa kuwento. Bago magwakas ang isang akda ay kinakailangang nalutas na ang suliranin.

Banghay – Ang banghay sa anekdota ay malinaw at maikli. Bukod dito, ang pinakasentro sa pangyayari ay ang nakaaaliw na bahagi na nakapagbibigay-aliw sa mga mambabasa o tagapakinig. Sa banghay matatagpuan ang panimula, nilalaman, at wakas ng isang anekdota.

Tunggalian – Ang anekdota ay nagtataglay ng tunggalian ng tauhan laban sa kanyang sarili, sa kanyang kapwa at sa kanyang paligid. Ito’y nakapaloob sa banghay.

Wakas – Sa bahaging ito ay nailalahad ang solusyon sa problema ng pangunahing tauhan. Katulad ng pabula, may aral sa anekdota na sa wakas lamang ng kuwento nailalantad.

Pagsasalaysay- isang diskurso na naglalatag ng mga karanasang magkakaugnay. Pagkukuwento ito ng mga kawili-wiling pangyayari, pasulat man o pasalita. Itinuturing ito na pinakamasining, pinakatanyag, at tampok na paraan ng pagpapahayag. Ito rin ang sinasabing pinakamatandang uri ng pagpapahayag sapagkat dito nagsimula ang alamat o epiko,at mga kwentong bayan ng mga ninunong mga Pilipino maging sa ibang bansa man.

Ilan sa mga dapat isaalang-alang sa pagpili mg paksa:

Kawilihan ng Paksa – Dapat ay likas na napapanahon; may mayamang damdaming pantao, may kapanapanabik na kasukdulan, naiibang tunggalian, at may malinaw at maayos na paglalarawan sa mga tauhan at tagpuan. llan sa dapat isaalang-alang sa pagpili ng paksa

Sapat na Kagamitan – Mga datos na pagkukunan ng mga pangyayari.

Kakayahang Pansarili – Ang pagpili ng paksa ay naaayon din sa kahusayan, hilig at layunin ng manunulat.

Tiyak na panahon o Pook – Ang kagandahan ng isang pagsasalaysay ay nakasalalay sa malinaw at masining na paglalarawan ng panahon at pook na pinangyarihan nito. Kaya, mahalagang iwasan ang labis na paghaba sa panahong sakop ng salaysay at pagbanggit ng napakaraming pook na pinangyarihan ng salaysay.

Kilalanin ang mambabasa – Sumusulat ang tao hindi para lamang sa kaniyang pansariling kasiyahan at kapakinabangan, kundi para sa kaniyang mambabasa.

ANG MGA MAPAGKUKUNAN NG PAKSA

1. Sariling karanasan – Pinakamadali at pinakadetalyadong paraan ng pagsasalaysay ng isang tao sapagkat ito ay hango sa pangyayaring naranasan ng mismong nagsasalaysay.

2. Narinig o napakinggan sa iba – Maaring usapan ng mga tao tungkol sa isang pinagtatalunang isyu, mga balita sa radyo at telebisyon, at iba pa. Subalit, tandaang hindi lahat ng narinig sa iba ay totoo at dapat paniwalaan. Mahalagang tiyakin muna ang katotohanan bago isulat.

3. Napanood – Mga palabas sa sine, telebisyon, dulaang panteatro, at iba pa.

4. Likhang-isip – Mula sa imahinasyon, katotohanan man o ilusyon ay makalilikha ng isang salaysay.

5. Panaginip o Pangarap – Ang mga panaginip at hangarin ng tao ay maaari ring maging batayan ng pagbuo ng salaysay.

6. Nabasa – Mula sa anumang tekstong nabasa kailangangang ganap na nauunawaan ang mga pangyayari.