Bakit Mahalaga ang Pamilya? Sa paksang ito, ating malalaman ang kahalagahan ng pamilya sa isang indibidwal, sa lipunan at komunidad.
Bakit nga ba sinasabing ang pamilya ang pinakamahalagang bahagi ng lipunan? Sinasabing dahil ito ang pinanggagalingan ng emosyonal na suporta ng bawat myembro nito, pisikal na aspeto sa paghubog ng kanyang pagkatao, espiritwal dahil sa sinasabing na ang pamilyang sabay sabay dumadalangin ay nanatiling buo, at isa rin ang pamilya sa nagbibigay suporta sa pamamagitan ng pinansyal na suporta ng lipunan.
Ang pamilya rin ay mahalaga sa paghubog ng isang indibidwal kung paano sya kumilos, magsalita at kung paano sya trumato sa kanyang kapwa. Ang pamilya ang batayang yunit ng komunidad na naglalayong palaganapin at patibayin ang bawat sangay ng myembro ng pamilya. Dito ka makadarama ng pagmamahal at pag-aaruga, kasama ang pagmamalasakit at pakikipag-kapwa tao.
Ang pamilya din ay isang matibay na pundasyon para makapagpalabas ng isang myembro na makakatulong sa bayan at lipunan. Dahil ito sa magandang asal o paguugali na itinuro ng kanilang mga magulang. Ito yung sinasabi nilang magbubunga ng mabuting prutas ang isang galling sa mabuting puno.
“Halimbawa nito ay si Pedro. Siya ay matalino at masayahing bata. Mahilig siyang maglaro ng basketbol. Ang paborito niyang asignatura ay agham. Marunong din siyang gumuhit.
Mabait at magalang na bata si Pedro. Sa anong uri ng pamilya siya nabibilang? Sinoang nagturo sa kanya ng lahat ng ito?
Ang pamilya ni Pedro. Ang ama niyang si Juan ay isang mabuting tao. Siya ay mapag-arugang ama. Si Rosa naman ang ina ni Pedro. Lagi niyang inaalagaan si Pedro. Ang mga magulang ni Pedro ang nagturo sa kanya ng tamang pag-uugali at kagandahang asal. Si Sita ang kapatid na babae ni Pedro. Siya ang kalaro ni Pedro.
Masaya ang pamilyang ito. Ngunit, ano ang nagpapaligaya sa pamilyang ito?
Pag-ibig sa isa’t-isa ang susi sa masayang pamilyang ito. Inaalagaan nila ang isa’t-isa. Nakikinig sila sa mga problema at pangarap ng bawat-isa. Sa harap ng mga suliranin sa buhay, nagdarasal sila nang sabay-sabay.
Si Pedro ay naging matalino at masayahing bata dahil sa pagmamahal at pagkalinga ng kanyang pamilya. Katulad ng matamis, malasa at masustansyang prutas na nanggaling sa isang matibay at malusog na puno, si Pedro ay pinalaki ng kanyang pamilya sa pagmamahal. Kung gayon, napakahalagang magkaroon ng isang masaya at mapagmahal na pamilya.”
Subalit kung ang bata ay lumaki sa isang magulong pamilya, maaaring makasama ito sa bata. Maaari siyang lumaking iresponsableng tao!
Gaano kahalaga ang iyong Pamilya?
1. Ang pag-ibig ay mahalaga sa isang pamilya. Masaya tayo kapag sama-sama
ang mga miyembro ng pamilya.
2. Siya ay laging nasa tabi ko. Siya ang nag-aalaga sa akin tuwing ako ay may
sakit. Tinutulungan niya ako sa aking takdang-aralin. Siya ang aking ina.
3. Sila ang nag-aalaga sa akin. Marami akong natutuhang kabutihang-asal mula sa kanila. Sila ang aking gabay. Sila ang aking mga magulang.
4. Gusto ko ay lagi ko silang kasama. Sa kanila ko nadarama ang pagpapahalaga. Kasama ko silang naninirahan sa aming tahanan. Sila ang aking pamilya.
Kahit na hindi pare-pareho ang paraan ng pagpapalaki, mahalaga ang pamilya sapagkat dito ay:
- nabibilang ang isang tao;
- nararamdaman ng isang tao ang pagmamahal at pagkalinga mula sa mga taong malapit sa kanya; at
- nahuhubog ang isang tao para maging masaya at responsable.