– Sa paksang ito, ating tatalakayin ang Kaligirang Pangkasaysayan ng Ibong Adarna. Atin nang palawakin ang ating kaisipan ukol dito. Tara na’t simulan na natin!
KALIGIRANG PAGKASAYSAYAN NG IBONG ADARNA
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin matukoy kung sino talaga angsumulat ng koridong Ibong Adarna. Ayon kay Pura Santillan-Castrence, ito ay sa dahilang ang kasaysayan ng akdang ito ay maaaring hinango lamang sakuwentong-bayan mula sa mga bansa sa Europe tulad ng Romania, Denmark,Austria, Alemanya, at Finland.
Ito rin ang dahilan kung bakit maraming kritikoang nagsasabing ang Ibong Adarna ay hindi ganap na maituturing na bahaging Panitikang Pilipino sa dahilang hiram lamang sa ibang bansa ang kasaysayan nito. Kung uugatin ang kasaysayan, ang tulang romansa ay nakilala sa Europa noong panahong Medieval o Middle Ages.
Tinatayang noong 1610, mula sa bansang Mexico, ito ay nakarating sa Pilipinas na ginamit namang instrumento ng mga Espanyol upang mahimok ang mga katutubo na yakapin ang relihiyong Katolismo.
Bagama’t itinuturing na halaw o nagmula sa ibang bansa ang akdang ito,sinasabi ng maraming kritiko na umaangkop naman sa kalinangan at kulturang mga Pilipino ang nilalaman nito. Masasalamin sa akda ang mga natatanging kaugalian at pagpapahalaga ng mga Pilipino tulad ng pagkakaroon ng matibay na pananampalataya sa Poong Maykapal, mataas napagpapahalaga sa kapakanan ng pamilya, mataas na pagtingin o paggalang ng mga anak sa magulang, paggalang sa nakatatanda, pagtulong sa mganangangailangan, pagtanaw ng utang na loob, mataas na pagpapahalaga sapuri at dangal ng kababaihan, pagkakaroon ng tibay at lakas ng loob sapagharap sa mga pagsubok ng buhay, at marami pang iba.
Bukod sa mga gintong aral na makukuha sa akda, ito ay tinatangkilik din ng ating mga ninuno sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol sapagkat ito ay nagdulotdin noon ng kasiyahan o kaaliwan sa kanila.
Sa katunayan ang akdang Ibong Adarna ay itinuturing na panitikang pantakas sapagkat ang mahihirap na Pilipino na sakbibi ng hirap ay sakit dahil sa kahirapang kanilang nararanasanbunga ng paniniil ng mga Espanyol ay pansamantalang nakatatakas sakanilang tunay na kalagayan sa sandaling mabasa o mapanood ang akdang itoat mailagay ang kanilang sarili sa pakikipagsapalaran ni Don Juan na siyang pangunahing tauhan sa akda.
Sa maraming mga koridong nalimbag at naisulat sa Pilipinas, ang Ibong Adarna ang higit na tumanyag sapagkat bukod sa ang mga sipi nito ay ipinagbibili sa mga perya na karaniwang isinasagawa tuwing kapistahan ng mga bayan-bayan, ito rin ay itinatanghal sa mga entablado na tulad ng komedya o moro-moro.Dahil na rin sa pasalin-saling pagsipi, ang mga sulat-kamay at maging ang mga nakalimbag na kopya ng Ibong Adarna ay nagkaroon ng pagkakaiba-ibasa gamit at baybay ng mga salita.
Noong 1949, sa pamamagitan ng matiyaga at masusing pag-aaral ni Marcelo P. Garcia ng iba’t ibang sipi ng Ibong Adarna ay isinaayos niya ang pagkakasulat ng kabuoan ng akda partikular ang mga sukat at tugma ng bawat saknong. Sa kasalukuyan ang kanyang isinaayos nasipi ang karaniwang ginagamit sa mga paaralan at palimbagan.
Ang orihinal na bersiyong nakarating sa Pilipinas ay mayroong 1,056 na saknong at ang kabuuan ng aklat ay mayroong 48 na pahina.
Dahil sa mga aral na makukuha sa korido ay ginawa itong kabahagi ng pag-aaral ng mga kabataan at isa sa mga akdang pampanitikang tinatalakay sa haiskul.
Ang kuwento ng Ibong Adarna ay isinulat bilang isang korido o isang uri ng awit na mayroong walong pantig ang bawat taludtod.