Kwentong Bayan

Ang kuwentong bayan o tinatawag na folklore sa ingles ay mga salaysay hinggil sa mga likhang-isip ng mga tauhan na kumakatawan sa mga uri ng mamamayan.

Ito ay isang uri ng panitikan na naglalaman ng mga kuwento, alamat, mito, parabula, at pabula.

Ang mga kwentong bayan ay nagpapakita ng mga kaugalian, paniniwala, karanasan, at karunungan ng mga taong kabilang sa isang kalinangan, subkultura, o pangkat.

Ito ay kwentong walang may-akda. Ang mga kwentong bayan ay karaniwang naipapasa sa pamamagitan ng salita lamang, kaya’t madalas ay may mga pagbabago o pagkakaiba-iba sa bawat bersyon.

Mula sa pangalan nito ang kuwentong bayan ay madalas na tumutukoy sa kasaysayan ng isang lugar. Kung paano at saan nagsimula ang pangalan nito.

Ang mga kwentong bayan ay nagbibigay ng mga aral at gabay sa ating pang-araw-araw na buhay, nagpapalaganap ng kabutihang-asal, at nagpapalakas ng ating samahan bilang isang komunidad.

Dahil dito, mahalagang bigyang-pansin natin ang pagpapahalaga at pangangalaga sa mga kwentong bayan.

Uri ng kuwentong bayan

Mayroong apat na uri ang kuwentong bayan. Ito ay ang sumusunod:

1. Alamat o legend

Ang alamat ay nagsasalay ng mga kwento kung paano nabuo o kung ano ang pinagmulan ng isang bagay, pook, tao o hayop.

Ito ay mga salaysay na karaniwang hindi totoo hinggil sa pinagmulan ng isang bagay o pook. Halimbawa, ang alamat ng pinya, ang alamat ng sampaguita, ang alamat ng Mayon Volcano, at iba pa.

2. Mito o myth

Ito ay mga kuwento na binubuo ng isang partikular na relihiyon o paniniwala. Karaniwang tinatalakay ng mga kuwentong mito ang mga diyos at nagbibigay ng mga paliwanag hinggil sa mga likas na kaganapan.

 Halimbawa, ang mito ng Bathala, ang mito ng siyam na araw at gabi, ang mito ng unang tao at babae, at iba pa.

3. Parabula o parable

Ito ay mga kwentong maaring totoo o hindi totoong nangyayari at ito ay kapupulutan ng mga mahahalagang aral na matatagpuan sa banal na aklat o bibiliya.

Ito ay isang maikling salaysay na maaaring nasa anyong patula o prosa na malimit nangangaral o nagpapayo hinggil sa isang pangyayari, na kadalasang isinasalarawan ang isang moral o relihiyosong aral. 

Sa Biblia ay maraming kwentong parabula.

Halimbawa, ang parabula ng nawawalang tupa, ang parabula ng mabuting Samaritano, ang parabula ng mga talento, at iba pa.

4. Pabula o fable

 Ito ay mga kwento na hayop ang gumaganap ngunit ito ay kumikilos at nagsasalita tulad ng isang tao.

May natatanging kaisipang mahahango mula sa mga pabula, sapagkat nagbibigay ng mga moral na aral para sa mga batang mambabasa. Tinatawag din itong kathang kuwentong nagbibigay-aral. 

Halimbawa, ang pabula ng pagong at matsing, ang pabula ng leon at daga, ang pabula ng lobo at kambing, at iba pa

Mga Halimbawa ng Kwentong Bayan:

ANG MGA DUWENDE

Malalim na ang gabi at abalang-abala pa sa pananahi ang dalawang magkapatid na babae. Tinatahi nila ang mga kamisa at saya nila, na isusuot nila para sa isang misa kinaumagahan. Ibinilin ng kanilang ina na siguruhing nakasara ang pinto at mga bintana ng kanilang bahay, kundi ay papasok ang duwende, na bumibisita sa kanila tuwing hatinggabi. Upang malaman ng kaniyang mga anak kung ano ang duwende, ikinuwento niya ito:

“Katulad lang ng mga ordinaryong tao ang mga duwende. Tuso silang mga nilalang, ngunit matulungin din. Ilan sa mga kapilyuhang ginagawa nila ay ang pagsira sa mga muwebles at mga larawan, pagbasag sa mga salamin, baso, plato, at tasa. Kung hindi sila makahanap ng mga bagay na sisirain o babasagin, kinukurot nila ang mga pisngi, braso, at katawan ng mga tulog na babae, upang maging mabigat ang pakiramdam nila pagkagising.

Kung hindi kinaasaran ng mga duwende ang mga nakatira sa bahay na madalas nilang bisitahin, nagpapakita sila ng kabaitan sa mga ito. Sinasabing dinadalhan nila ang mga kaibigan nila ng mga masasarap na pagkain at ipinagtatanggol sila mula sa mga masasamang nilalang. Maraming tao tuloy ang sabik ngunit balisang makakilala ng duwende.

Itinuturing nila ang mga nilalang na nagtataglay ng kakaibang karunungan dahil sinasabing alam na alam nila ang mga lihim at ikinikilos ng mga tao. Ngunit kung sakaling ang mga naging kaibigan ng duwende ay biglang nagsabi ng anumang masama o nagbalak ng masama sa kanila, kahit pa hindi sila marinig ng mga duwende, ay parurusahan sila at hindi na muling babalikan.

“Ang duwendeng binabanggit ko rito ay madalas sa bahay namin habang ang nanay ko, o ang lola ninyo, ay buhay pa. Parati niyang sinasabi sa aming isara ang pinto at mga bintana bago kami matulog. Isang gabi, nang nagtatahi rin kami ng kapatid ko ng kamisa at saya, nakalimutan naming isara ang mga bintana at pinto. Ilang segundo bago maghatinggabi, naroon ang isang maliit na nilalang na nakatayo sa aming pinto.

Maliit siya, kasinliit lamang ng isang dalawang taong gulang na bata; pula ang kaniyang mukha; mayroon siyang mahabang bigote at maputing kulot na buhok. Maigsi ang mga braso niyang balingkinitan, ngunit malaki ang mga kamay niya–malaki para sa kaniyang braso.”

Nang marinig ng mga dalaga ang kuwento ng kanilang ina, natakot sila. Nang maghatinggabi, narinig nila ang mga tunog: takla, takla, takla. Gawa ito ng duwende. Takot na takot ang dalawa. Lumingon ang panganay, at nakita niya ang duwende na pumapasok sa pinto. At katulad ng inaasahan, tumakbo at tumalon siya papasok ng bahay, papunta sa mga dalaga. Dahil doon, nasipa niya ang isang gasera, na nagpaliyab sa mga kamisa at saya.

Mula noon, naging maingat na ang magkapatid at ang buong bayan ng Legaspi sa duwende. Isinasara na nila ang kanilang mga pinto at mga bintana bago sila matulog sa gabi.

Ang Kalabasa at ang Duhat

Noong unang panahon nagtanim si Bathala ng kalabasa at duhat.  Gusto niyang makita kung papano magsilaki ang mga ito.

Dahil si Bathala ang nagtanim, kaydali nilang lumaki.  Si Duhat ay lumaki pataas na ang itinuturo’y kalangitan, at ilang araw pa ay nakahanda na itong mamunga.
Sabik na sabik na akong mamunga, wika ni Duhat.

Si Kalabasa naman ay humaba, ngunit hindi tumaas.  Gumapang lang ito nang gumapang, hanggang sa ito’y nakatakda nang mamunga.

Ngunit hindi malaman ni Bathala kung anong uri ng bunga ang ipagkakaloob niya sa dalawang ito.Matamang nag-isip si Bathala.

Ang duhat na nilikha ko’y malaki, nararapat lamang na malaki rin ang kanyang bunga.  At si Kalabasa naman ay gumagapang lamang, at walang kakayahang tumayo, nararapat lamang na ang mga bunga nito’y maliliit lamang.  Wika ni Bathala.

Ganyan nga ang nangyari.  Si Duhat ay namunga ng sinlaki ng banga.  Agad niyang nakita na hindi tama ito, sapagkat nababali ang mga sanga nito dahil sa bigat ng bunga.  Si Kalabasa nama’y hindi bagay dahil maliit ang bunga.  Di pansinin ang mga bunga nito lalo’t natatakpan sa malalapad na dahon.

Muling nag-isip ng malalim si Bathala.  Tunay na hindi siya nasiyahan.
Napagpasiyahan niyang ipagpalit ang mga bunga ng mga ito.  At napatunayan niyang tama ang kanyang ginawa, sapagkat ang kalabasa, mahinog man ito’y hindi malalaglag dahil ang puno ay gumagapang lamang.  Samantalang ang duhat, malaglag man ay magaan, hindi masisira at ginawa naman niyang kulay berde ang kalabasa sa dahilang ito’y malayo sa araw.  At kulay itim naman ang duhat.  Pagkat ito’y malapit sa araw.
At sa kanyang ginawa’y nalubos ang kasiyahan ni Bathala.

ANG BATIK NG BUWAN

Mag-asawa ang araw at ng buwan. Marami silang mga anak na bituin. Gustung-gusto ng araw na makipaglaro sa kanyang mga anak at ibig na ibig niyang yakapin ang mga ito ngunit pinagbawalan siya ng buwan sapagkat matutunaw ang mga bituin sa labis na init ng araw. Kinagagalitan ng araw ang mga anak kapag lumalapit sa kanya.          

Isang araw, nagtungo sa ilog ang buwan upang maglaba ng maruruming damit. Ipinagbilin niya sa asawa na bantayan ang mga anak ngunit huwag niyang lalapitan ang mga ito. Binantayan nga ng araw ang mga anak. Buong kasiyahan niyang pinanood ang mga ito habang naghahabulan. Nakadama siya ng pananabik at hindi siya nakatiis na hindi yakapin ang mga anak. Bigla niyang niyakap ang lipon ng maliliit na bituin nang madikit sa kanya ay biglang natunaw.

Hindi naman nagtagal at umuwi na ang buwan. Nagtaka siya sapagkat malungkot ang asawa. Naisipan niyang bilangin ang mga anak ngunit hindi nya nakita ang maliliit kaya’t hinanap niya ang mga ito kung saan-saan. Hindi niya matagpuan ang mga anak. Sa gayo’y sinumabatan niya ang asawa. “Niyakap mo sila? Huwag kang magsisinungaling!”

Hindi na naghintay ng sagot ang buwan. Mabilis niyang binunot ang isang punong saging at tinangkang ipukol sa asawa na nakalimutan na ang kanyang kasalanan. Ang tanging nasa isp niya ay kung paano niya maipagtatanggol ang sarili sa asawang galit na galit. Dumampot siya ng isang dakot na buhangin at inihagis sa nukha ng buwan at dahilan sa nangyari ay nagkaroon ng batik ang mukha ng buwan. Hinabol ng buwan ang araw upang makaganti sa ginawa nito sa kanya at hanggang ngayon ay hinahabol pa rin ng buwan ang araw.