Talumpati

Ang talumpati ay isang buod ng kaisipan o opinyon ng isang tao na pinababatid sa pamamagitan ng pagsalita sa entablado. Layunin nitong humikayat, tumugon, mangatwiran, magbigay ng kaalaman o impormasyon at maglahad ng isang paniniwala. Ito ay isang uri ng komunikasyong pampubliko na nagpapaliwanag sa isang paksa na binibigkas sa harap ng mga tagapakinig. Ito ay isang masining na pagpapahayag ng isang kaisipan tungkol sa isang mahalagaat napapanahong paksa sa paraang pasalita sa harap ng tagapakinig.

Uri ng talumpati ayon sa balangkas

  1. May paghahanda – ang talumpating ito ay tinatawag ring Memoryadong talumpati.
  2. Walang paghahanda – ang talumpating ito ay tinatawag ring impromptu. Ang paksa ay binibigay lamang sa oras ng pagtatalumpati. Sinusubok ang kaalaman ng mananalumpati sa paksa.

Mga bahagi ng talumpati

  1. Panimula – inilalahad ang layunin ng talumpati, kaagapay na ang istatehiya upang kunin ang atensyon ng madla.
  2. Katawan – pinagsunud-sunod sa bahaging ito ang mga makabuluhang puntos o patotoo.
  3. Paninindigan– Pinatotohanan ng Mananalumpati ang kanyang sinabi sa bahagi ng katawan.
  4. Konklusyon – bahaging nagbubuod o nalalagon sa talumpati.

Paraan ng pagtatalumpati

  1. Binasa – inihanda at iniayos ang pagsulat upang basahin nang malakas sa harap ng mga tagapakinig.
  2. Sinaulo – inihanda at sinaulo para bigkasin sa harap ng mga tagapakinig.
  3. Binalangkas – ang mananalumpati ay naghanda ng balangkas ng kanyang sasabihin. Nakahanda ang panimula at wakas lamang.

Hakbangin sa paggawa ng talumpati

  1. Pagpili ng paksa– kailangang suriin ang sarili kung ang paksang napili ay saklaw ang kaalaman, karanasan at interes.
  2. Pagtitipon ng mga materyales– kapag tiyak na ang paksa ng talumpati ay paghahanap ng materyales na gagamitin sa pagsulat ng mga impormasyon na gagamitin sa isusulat na talumpati. Maaaring pagkunan ng mga impormasyon ay ang dating kaalaman at mga karansan na may kinalaman sa paksa, mga babasahing kaugnay ng paksa, mga awtoridad sa paksang napili.
  3. Pagbabalangkas ng mga ideya– ang talumpati ay nahahati sa tatlong bahagi panimula, katawan at pangwakas.
  4. Paglinang ng mga kaisipan– dito nakapaloob ang mahalagang impormasyon na sumusuporta sa mga pangunahing kaisipan na inilahad sa balangakas.

Uri ng talumpati

  1. Nagbibigay aliw
  2. Nagdaragdag kaalaman
  3. Nagbibigay sigla
  4. Nanghihikayat
  5. Nagbibigay galang
  6. Nagbibigay papuri
  7. Nagbibigay impormasyon

Katangian ng magaling na mananalumpati

  1. Kaalaman
  2. Kasanayan
  3. Tiwala sa sarili

Mga Dapat Tandaan sa Pagbigkas ng Talumpati

  1. Tinig
  2. Tindig
  3. Pagbigkas
  4. Pagtutuuan ng Pansin
  5. Pagkumpas
  6. Pagprotaktor
  7. Paggewang gewang

Halimbawa ng Talumpati

Sa Kabataan

Onofre Pagsanghan

Isa sa mga salitang napag-aralan natin sa wikang Pilipino ay ang salitang “nabansot”. Kapag ang isang bagay raw ay dapat pang lumaki ngunit ito’y tumigil na sa paglaki, ang bagay na ito raw ay nabansot. Marami raw uri ng pagkabansot, ngunit ang pinakamalungkot na uri raw ay ang pagkabansot ng isipan, ng puso, at ng diwa.

Ang panahon ng kabataan ay panahon ng paglaki, ngunit ang ating paglaki ay kailangang paglaki at pag-unlad ng ating buong katauhan, hindi lamang ng ating sukat at timbang. Kung ga-poste man ang ating taas at ga-pison man ang ating bigat, ngunit kung ang pag-iisip naman nati’y ga-kulisap lamang, kay pangit na kabansutan. Kung tumangkad man tayong tangkad-kawayan, at bumilog man tayong bilog-tapayan, ngunit kung tayo nama’y tulad ni “Bondying” ay di mapagkatiwalaan-anong laking kakulangan. Kung magkakatawan tayong katawang “Tarzan” at mapatalas ang ating isipang sintalas ng kay Rizal, ngunit kung ang ating kalooban nama’y itim na duwende ng kasamaan-anong kapinsalaan para sa kinabukasan.

Kinabukasan. Kabataan, tayo raw ang pag-asa ng Inang Bayan. Tayo raw ang maghahatid sa kanya sa langit ng kasaganaan at karangalan, o hihila sa kanya sa putik ng kahirapan at kahihiyan. Ang panahon ng pagkilos ay ngayon, hindi bukas, hindi sa isang taon. Araw-araw ay tumutuwid tayong palangit o bumabaluktot tayong paputik. Tamang-tama ang sabi ng ating mga ninunong kung ano raw ang kamihasnan ay siyang pagkakatandaan. Huwag nating akalaing makapagpapabaya tayo ng ating pag-aaral ngayon at sa araw ng bukas ay bigla tayong magiging mga dalubhasang magpapaunlad sa bayan. Huwag nating akalaing makapagdaraya tayo ngayon sa ating mga pagsusulit, makakupit sa ating mga magulang at sa mahiwang araw ng bukas makakaya nating balikatin ang mabibigat na suliranin ng ating bansa. Huwag nating akalaing makapaglulublob tayo ngayon sa kalaswaan at kahalayan, at sa mahiwagang araw ng bukas bigla tayong magiging ulirang mga magulang.

Kabataan, ang tunay na pag-ibig sa bayan, ang tunay na nasyonalismo, ay wala sa tamis ng pangarap, wala rin sa pagpag ng dila. Ang tunay na pag-ibig ay nasa pawis ng gawa.