-Sa paksang ito, ating pag aaralan kung ano nga ba ang tekstong impormatibo, mga uri, elemento, layunin at mga halimbawa nito. Tara na’t palawakin natin ang ating kaisipan ukol sa paksa na ito at intindihin ng mabuti upang ating maunawaan.
Ano nga ba ang Tekstong Impormatibo?
– Ito ay isang uri ng teksto na nagbibigay impormasyon. Ito ay ang malinaw na pagpapaliwanag tungkol sa paksang tinatalakay. Ito ay naglalaman ng mahahalaga at tiyak na impormasyon tungkol sa mga tao, bagay, lugar at pangyayari.
URI NG TEKSTONG IMPORMATIBO
1. Naglalahad ng totoong pangyayari o kasaysayan
-Ito ay sumasaklaw sa mga paglalahad ng mga pangyayari sa nakaraan, kasalukuyan, o iba pang panahon. Nakatuon ito sa pagsasalaysay ng mahahalagang kaganapan tulad ng mga nababasa sa mga pahayagan, almanac, at aklat sa kasaysayan.
Halimbawa:
Isinagawa ang 2022 National elections noong Mayo 9, 2022 at idineklara ni Pangulong Duterte bilang non-working holiday.
Naganap ang Bataan Death March noong Abril 1942 sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Nagdiwang ng ika-10 anibersaryo ang noontime show na It’s Showtime kahapon sa Resorts World Manila.
2. Pag-uulat ng Impormasyon
– Ito ay nakatuon sa pagbibigay ng kaalaman tungkol sa tao, bagay, hayop, at lugar. Kinakailangan ng pananaliksik sa pagbibigay ng kaalaman sa uring ito ay madalas na bagong impormasyon para sa maraming mambabasa.
Halimbawa:
Francisco Domagoso ang tunay na pangalan ni Isko Moreno. Naging tanyag lamang siya sa kaniyang screen name kaya ito na rin ang naging pangalan niya bilang politiko.
Si Jose Rizal ang sumulat ng mga sikat na nobelang Noli me Tangere at El Filibusterismo.
Ayon sa mga historyador, nagmula ang pangalang Bulacan sa ‘bulak’ dahil laganap daw noon sa lalawigan ang puno ng bulak.
3. Pagpapaliwanag
– Dito ay ipinapaliwanag kung paano naganap ang isang bagay. Hindi man ito nagpapakita ng prosedyur o pagkakasunod, nagbibigay naman ito ng kaliwanagan sa kung paano nangyari ang isang insidente.
Halimbawa:
Nanalo si Pacquiao sa bisa ng isang unanimous desisyon.
Bumaha sa kabilang barangay dahil nasira ang kanilang drainage doon.
Bumaba ang grado ni Jenny dahil hindi siya pumapasok sa klase
MGA ELEMENTO NG TEKSTONG IMPORMATIBO
1.) Layunin ng may Akda- nakalagay dito ang pangunahing ideya sa paraan ng paglalagay ng pamagat.
2) Pangunahing Ideya- dito naman inilalahad kung tungkol sa ano ang tekstong impormatibo. Kadalasang ginagamit ang mga Organizational Markers para mailarawan ng maayos at mabasa agad ng madla ang pangunahing ideya.
3) Pantulong na kaisipan- ito’y ginagamit ng may akda upang makapagbuo sa isipan ng mga madla ang pangunahing ideya na nais maitanim o maiwan sa isipan.
4) Mga Estilo sa Pagsususlat, Kagamitan, Sangguniang magtatampok sa mga bagay na binibigyan-diin:
a) Paggamit ng mga nakalarawang representasyon- paggamit ng larawan, diagramo chart.
b) Pagbibigay diin sa mga mahahalagang salita- pag bold ng letra, gawing italic o ang paglalagay ng guhit sa mga salita. Upang mabigyan diin ang mahahalagang salita.
c) Pagsusulat ng mga Talasanggunian- paglalagay ng credits upang mapatunayan ang totoo (Bibliography)
LAYUNIN NG TEKSTONG IMPORMATIBO
- Nagbibigay ng impormasyon at kaalaman
- Nagbibigay ng linaw sa kung paano nangyayari o nangyari ang isang bagay
- Pinauunlad ang pagsusuri sa detalye at impormasyon
Comments are closed.