Kahulugan, Katangian, at Kahalagahan ng Wika

Ating pag-uusapan sa araw na ito ang kahulugan ng Wika, pati na rin ang mga Katangian, Kapangyarihan, Tungkulin at Kahalagahan nito.

KAHULUGAN NG WIKA

  • kasangkapan ng komunikasyon o pakikipagtalastasan
  • Tagapagdala ito ng mga ideya at naiimpluwensyahan nito ang ugali ng tao, ang isip at damdamin
  • Nagbubuklod sa isang lipunan na may iisang kultura. Hindi matatawag na isang lipunan ang isang grupo ng mga tao kung wala silang wikang komon.

Ayon kina Pamela Constantino at Galileo Zafra (2008), “ang wika ay isang kalipunan ng mga salita at ang pamamaraan ng pagsasama-sama ng mga ito para magkaunawaan o makipagkomyunikeyt ang isang grupo ng mga tao.”.

Ayon sa isang dalubhasa sa wika na si Henry Gleason:

“Ang wika ay isang sistematik na balangkas ng mga binibigkas na tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitrari upang magamit ng mga taong may iisang kultura.”

KATANGIAN NG WIKA (Garcia,et. al. 2008)

1.May sistematik na balangkas.

Pangunahing katangian ng isang tunay na agham ang pagiging sistematik. Dahil may katangiang makaagham ang isang wika, naging batayan ito upang umiral ang larangan ng Linggwistiks, ang pag-aaral ng wika.

Hindi lamang nakabatay sa ngayon sa Balarila o Gramar ang pagtuturo ng wika. Malaliman ngayong tinatalakay ang isang wika mula sa fonoloji, morfoloji, hanggang sa sintaks.

2. Binibigkas na tunog

Hindi lahat ng tunog ay binibigkas at hindi rin naman lahat ng tunog ay makabuluhan. Ang ponemik ang tunog na makabuluhan. Ang pagiging makabuluhan ng tunog ay yaong nakapagpapaiba ng kahulugan ng salita.

Ang ganitong penomenon ng wika ang siyang dahilan kung bakit sa kabila ng pagkakaroon ng 28 letra ng ating bagong alfabeto, 21 lamang ang fonim o ponema at 1 sa 21 ito ay walang katumbas na grafim o letra – ang glotal na pasara sa lumang balarila ay tinatawag na impit na tunog. Mapapansin ito sa mga salitang malumi at maragsa.

3. Pinipili at isinasaayos

Kasama ang retorika sa mga batayang kurso sa kolehiyo. Layon nito ang makapagpahayag nang mabisa sa pamamagitan ng wastong pagpili at pagsasaayos ng wika. Hindi lamang kasi basta binibigkas at inaalam ang kahulugan ng mga salita.

4. Arbitrari

Ang wika ng isang pamayanan ay nabuo ayon sa napagkasunduang termino ng mga taong gumagamit nito. Dahil dito, nagkaroon ng indentidad ang bawat wika na sadyang ikinaiba ng bawat isa.

Kaugnay ng pagiging arbitrari ang pagiging kapantay ng kultura ng wika. Walang wikang umunlad pa kaysa sa kanyang kultura, gayundin walang kulturang yumabong nang di kasabay ang wika.

5. Patuloy na ginagamit

Walang saysay ang anumang bagay kung hindi naman ito ginagamit. Kapag hindi ginagamit, nangangahulugan lamang na wala itong silbi. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang katangian ng wika ang pagiging gamitin nito.

6. Daynamik o nagbabago

Itinuturing na “patay” ang isang wika kung wala na itong tinatanggap na pagbabago. Hindi totoo na patay na ang wika ay wala nang gumagamit at  dahil doon, ay wala nang silbi.

KAHALAGAHAN NG WIKA (Garcia, et.al. 2008)

1. Kahalagahang pansarili

Nakapaloob dito ang indibidwal na kapakinabangan. Sa oras na matutuhan ng isang indibidwal ang kakayahang magsalita, kailangan na niyang magamit nang wasto ang wikang kanyang kinagisnan (vernakular).

Halos lahat ng teorya ng wika ay nag- uugat sa pansariling kapakinabangan: pagpapahayag ng damdamin, isniisip at maging ng mismong pagkatao.

2. Kahalagahang panlipunan

Kailangan ng tao ang kanyang mga kapwa upang bumuo ng isang lipunang sasagisag sa kanilang iisang mithiin, sa kanilang natatanging kultura. Ito ang dahilang kung bakit may iba’t ibang lipunan. At sa pagbanggit sa kultura, naroon ang katotohanan ng pag-iral ng wika.

Wika ang dahilan kung bakit minamahal ng sinumang nilalang ang kanyang sariling kultura, at mula sa pagmamahal na ito, uusbong ang kanyang pagkakakilanlan.

3.Kahalagahang global/internasyonal

Naging mainit ang isyung ito nang magkaroon ng 2001 Revisyon ng Alfabeto. Maraming nagtaas ng kilay sa paggamit ng mga letrang F, J, V at Z bilang mga letrang maaari nang gamitin sa pagbabaybay ng mga karaniwang salitang hiram.

Sa katunayan, malinaw na nakasaad sa Konstitusyon ng 1987 (Art. XIV, Sek.7) na “Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles.”

Ang nabanggit ang patunay na sa Pilipinas, itinatagubiling matutuhan ng mga Pilipino ang dalawang wikang opisyal na ito upang maging kasangkapan sa komunikasyon: ang Filipino sa loob ng bansa at ang Ingles sa pandaigdig.

Ngunit dahil ang wika ay buhay at patuloy na nagbabago, napansin ng mga dalubwika ng bansa na sa pamamagitan ng paglalapat ng linggwistiks, masasabing mailalapat na ang Filipino sa ispeling sa Ingles. Sa paggamit ng apat na letrang nabanggit sa dakong unahan, maraming salita ang papasok sa leksikong Filipino na hindi kailangan pang baguhin ang ispeling.

KAPANGYARIHAN NG WIKA (Badayos, 2010)

1. Ang wika ay maaaring makapagdulot ng ibang kahulugan

  • Anumang pahayag ay maaaring makapagdulot ng ibang kahulugan o interpretasyon sa mga tanggap ng mensahe nito. Ito ay tinatawag ding bypassing na ang ibig sabihin ay maling paniniwala na ang isang salita ay nagtataglay lamang ng iisang kahulugan.

2. Ang wika ay humuhubog ng saloobin.

  • Sa pamamagitan ng wika, nagagawa ng tao na hayagang alisin ang mga negatibong paniniwala na sa kanyang palagay ay hindi makapagdudulot ng mabuti sa kanyang kapwa. Samakatuwid, dahil sa wika nagagawa nating makipag-ugnayan mismo sa ating sarili, nagkakaroon ng pagtitimbang timbang at hubugin ang ating mga saloobin bago magbitiw ng mga salitang ating sasabihin.

3. Ang wika ay nagdudulot ng polarisasyon.

  • Ito ay ang pagtanaw sa mga bagay na magkasalungat na paraan. Halimbawa ay mabuti sa masama, mataas at mababa, pangit sa maganda at iba pa. Nagagawa ng wikang maghambing at maglarawan ng pagkakaibaiba.

4. Ang kapangyarihan ng wika ay siya ring kapangyarihan ng kulturang nakapaloob dito.

  • Kailanman ay hindi maikakaila na kakambal ng wika ang kultura kung kaya’ hindi dapat na tanawin na may superyor at imperyor na wika.

TUNGKULIN NG WIKA

1. Instrumental

  • Nagiging instrumento ang wika kung ito’y: 1) naglalahad ng mungkahi, 2) nanghihikayat
  • Ginagamit ang wika upang magawa ng isang indibidwal ang nais gawin.

2. Regulatori

  • Nagagawa ng wika na kontrolin ang mga pangyayari sa kanyang paligid.
    • Ginagamit ng taong may nasasakupan o taong may taglay na kapangyarihang magpakilos ng kapwa

3. Representasyonal/Impormatibo

  • Ginagamit ang wika upang makapagbahagi ng mga pangyayari, makapagpahayag ng detalye, at makapagdala at makatanggap ng mensahe sa iba. Ang wika ay representasyunal kung ito’y may tungkulin na magbalita at magbigay paliwanag o impormasyon.

4. Interaksyonal

  • Nagagawa ng wika na mapanatili at mapatatag ang relasyon ng tao sa kanyang kapwa.
  • Pinananatili ang relasyong panlipunan.

5. Personal

  • Nagagamit ang wika upang maipahayag ang personalidad ng isang indibidwal ayon sa sarili niyang kaparaanan; naipapahayag ang sariling damdamin, pananaw, at opinyon

6. Heuristik

  • Tumutulong ang wika upang makapagtamo ang tao ng iba’t ibang kaalaman sa mundo; ginagamit kung nais matuto ng kaalamang akademik o propesyonal

7. Imahinatibo

  • Nagagawa ng wika na mapalawak ang imahinasyon ng tao. Nailalapat sa pagsulat o pagbigkas ng akdang pampanitikan

Basahin:

Mga Antas ng WIka

Barayti ng WIka