Tekstong Deskriptibo

– Sa paskang ito, ating aalamin kung ano nga ba ang kahulugan ng Tekstong Deskriptibo. Tatalakayin din natin ang mga uri at ilan sa mga halimbawa nito. Tara na’t sabay sabay nating alamin.

Ano nga ba ang Tekstong Deskriptibo?

– Ito ay uri ng paglalahad at ginagawa sa gamit ang mahusay na eksposisyon. Naglalarawan ito sa mga tao, bagay, pook, o kaya’y mga pangyayari. Ang layunin ng tekstong ito ay ang maipahiwatig ng detalyado ang imahen na makapupukaw sa kaisipan at emosyon ng mga mambabasa. Ang tekstong ito ay laging sumasagot sa tanong na “Ano“.

MGA URI NG TEKSTONG DESKRIPTIBO

1. Paglalarawan sa Tauhan

– Ito ay ang paglalarawan sa pisikal na anyo at katangian ng bibigyang buhay na tauhan, ngunit hindi sapat na mailarawan lang ang itsura at mga detalye ng tauhan, sa halip dapat maging makatotohanan din ang paglalarawan dito. Sa paglalarawan ng tauhan dapat mabubuo sa isipan ng mambabasa ang anyo, gayak, amoy, kulay at iba pang mga katangian sa pamamagitan ng paggamit ng pinaka angkop na mga pang-uri. Mahalaga ding mabigyan ng paglalarawan ang mga kilos ng tauhan para mas lalong magmarka sa mambabasa ang mga katangiang taglay niya, halimbawa ay kung paano sya maglakad, tumawa, makipag-usap at iba pa.

2. Paglalarawan sa Damdamin o Emosyon

– Ito ay bahagi rin ng paglalarawan sa tauhan subalit ito ay nakatuon lamang sa damdamin o emosyong taglay ng tauhan. Sa pamamagitan ng paglalarawang ito, madadama ng mambabasa ang mga emosyon ng tauhan.

3. Paglalarawan sa Tagpuan

– Ang paglalarawan sa tagpuan ay ang paglalarawan sa tamang lugar at panahon kung saan at kailan naganap ang akda.

4. Paglalarawan sa mahahalagang bagay

– Ito ay ang paglalarawan sa isang napaka-halagang bagay sa akda. Sa maraming pagkakataon, sa isang mahalagang bagay umiikot ang mga kaganapan sa akda at ito rin ay nagbibigay ng mas malalim na kahulugan.

HALIMBAWA NG TEKSTONG DESKRIPTIBO:

  1. Matamis ang malaking manggang dala ni Julie mula sa malayong lalawigan ng Cebu.
  2. Magaling umawit ang batang si Lyca kaya naman siya ang nanalo sa malaking patimpalak.
  3. Iginagalang ng mga mag-aaral si Gng. Santos dahil magiliw itong guro at mataas magbigay ng marka.
  4. Magaspang ang papel de liha na nahawakan kong laman ng kahong iyon.
  5. Maganda si Eva, Hugis mamon ang kanyang mukha at may mamula-mulang pisngi at labi. Siya rin ay may dimples at may matangos na Ilong. Ang kanyang mga kilay ay makapal at ang kulay ng mata niya’y berde.  Mahaba ang kanyang buhok na abot hanggang balikat na kinulayan niya ng asul. Siya ay matangkad at may balingkinitang katawan.