Minsan ba’y sumagi sa inyong isipan kung bakit nga ba may batas tayong sinusunod? Hindi ba puwedeng gawin nalang natin ang mga bagay na gusto nating gawin? Diba’t binigyan naman tayo ng kalayaan na magdesisyon para sa ating sarili, bakit kailangan pang sundin ang batas na itinatag ng ating pamahalaan o kung sino mang mas nakakataas saatin?
Bilang isang mamamayang Pilipino ay nakalakihan na nating sumunod sa batas. Ito’y itinatak na saating mga isipan na kasama sa ating obligasyon bilang tao na sumunod sa batas hindi lamang para sa ikabubuti ng ating bansa kundi pati na rin sa ating mga sarili.
Bakit nga ba natin kailangang sundin ang batas? Ano nga ba ang kahalagahan ng pagsunod dito? Simula pagkabata ay natutunan na nating sumunod sa batas na itinatag saating mga tahanan at paaralan. Duon palang ay ineensayo na tayo na huwag lumabag sa batas at palaging piliin kung ano ang tama. Ang mga batas na itinatatag ay para din naman sa ating kapakanan at sa ikabubuti ng ating bansang ginagalawan.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagsasaad ng mga batas ay para sa seguridad ng mga tao sa lipunan. Dapat nating tandaan na ang buhay ng tao ang pinakamahalaga sa mundo kaya’t higit na pinagtutuunan ng pansin ng ating pamahalaan ang seguridad ng bawat tao kaya’t ganoon na lamang kadami ang mga batas na nakalaan sa aspetong ito.
Kailangan natin itong sundin upang ang ating mga buhay ay hindi mapunta sa alanganin at siguradong ligtas ang bawat isa sa kapahamakan. Isa rin sa dahilan kung bakit may batas ay ang kagustuhang magkaroon ng kapayapaan sa ating bansa. Ang mga batas na ito ay naglalayong pagkaisahin ang bawat mamamayang Pilipino at umiwas sa kahit ano mang gulo na magdudulot ng pagkawatak-watak ng samahan na mayroon ang bawat isa.
Ginawa rin ang batas upang makamit ang hustisya sa mga taong inaapi dahil responsibilidad ng ating gobyerno na protektahan ang bawat indibidwal at tratuhin ang bawait isa saatin na pantay – pantay. Ang pagsunod sa batas ay napakahalaga sapagkat tayo lang rin mismo ang makikinabang nito. Sa kamay ng batas, walang mayaman o mahirap dahil pantay pantay ang turing nito sa mga tao at walang silbi ang estado sa buhay kung batas ang pinag uusapan dahil dito, titignan ka lamang bilang tao at hindi sa kung anong narating mo o kung anong meron ka.
Napakaraming dahilan na maibabanggit kung bakit nga ba kailangan natin na sumunod sa itinalagang batas ng ating pamahalaan ngunit isa lang ang konkretong dahilan at ito ay para saating kapakanan, upang tayo’y maging disiplinadong indibidwal at magkaroon ng payapang lugar na titirahan saan mang sulok ng bansang ating ginagalawan.