Sa araw na ito ay ating pag-uusapan ang gamit ng wika ayon kay Michael Halliday. Tara na at sabay sabay tayong matuto.
Sino si Michael A. K. Halliday?
Siya ay isang linggwistang Briton na ipinanganak sa Inglatera. Pinag-aralan niya ang wika at literaturang Tsino. Siya ang nagpanukala ng Systemic Functional Grammar, isang sikat na modelo ng gramatika na gamitin at kilala sa daigdig.
Mga Gamit ng Wika Ayon kay Halliday
May pitong tungkulin o gamit ang wika na kailangang pagtuunan ng pansin. Kailangang sanayin ang sarili sa mga ito sapagkat ang iba’t ibang itwasyon sa buhay ay nangangailangan ng paggamit ng isa o higit pang tungkulin.
Interaksiyonal
Nakapagpapanatili o nakapagpapatatag ng relasyon sa kapwa.
Pasalita: Pakikipagkwentuhan, Pakikipagbiruan, Pakikipagpalitan ng kuru-kuro, pormulasyong panlipunan (hal., Magandang umaga!, Maligayang kaarawan! Ang pakikiramay ko.), pangungumusta
Pasulat: liham pangkaibigan
Instrumental
Tumutugon sa mga pangangailangan
Pasalita: pag-uutos
Pasulat: liham-pangangalakal (liham na humihiling o umoorder ng mga aytem),
Regulatori
Kumokontrol o gumagabay sa kilos at asal ng iba
Pasalita: pagbibigay ng panuto, direksyon o paalala
Pasulat: resipe, panuto sa pageenrol
Personal
Nakapagpapahayag ng sariling damdamin o opinyon.
Pasalita: pagtatapat ng damdamin sa isang tao, gaya ng pag-ibig
Pasulat: editoryal, liham sa patnugot
Imadyinatib
Nakapagpapahayag ng sariling imahinasyon sa malikhaing paraan.
Pasalita: pagsasalaysay, paglalarawan
Pasulat: akdang-pampanitikan, gaya ng tula, maikling kuwento, nobela, at iba pa
Heuristiko
Naghahanap ng mga impormasyon o datos na magpapayaman ng kaalaman.
Pasalita: pagtatanong, pananaliksik, pakikipanayam
Pasulat: sarbey
Impormatib
Nagbibigay ng impormasyon o datos para mag-ambag sa kaalaman ng iba.
Pasalita: pag-uulat, pagtuturo
Pasulat: pananaliksik-papel