Sa araw na ito ating alamin ang tungkol sa alamat ng niyog. Tara at sabay sabay tayong matuto. Noong unang panahon may mag-asawang taimtim na nagdarasal upang magkaroon ng anak. May dalawang taon nang nagsasama ang mag-asawang Juan at Maria ngunit wala pa rin silang mga supling.
Lahat na halos ng mga alam nilang paraan upang magka-anak ay kanila ng sinubukan. Nagawa na nilang magsayaw sa kalye kasama ng iba pang mga mag-asawang hindi rin magka-anak; nasubukan na rin nilang uminom ng iba’t ibang dahon-dahon na ayon sa matatanda ay makapagbibigay ng kanilang ninanais at kung ano-ano pang mga seremonyas. Ngunit wala pa ring supling ang nabuo sa sinapupunan ng babae.
Nawawalan na ng pag-asa ang mag-asawa nang sa wakas ay nabuntis din si Maria. Ngunit maselan siyang magbuntis. Halos buong maghapon ay nakahiga lamang ito sapagkat palagi siyang nahihilo at naduduwal. Hindi lamang iyon, marami din siyang hinihiling na kainin o di kaya’y pagmasdan.
Dahil sa matagal nilang inantay ang magkaroon ng anak, ibinibigay ni Juan ang lahat ng pinaglilihian ng kanyang asawa maski pa mahirapan ito sa paghahanap. Lahat ng mga kakaibang prutas, iba’t ibang lutong pagkain at kung ano-ano pang hinihiling ni Maria ay pinipilit na hanapin ni Juan upang hindi magdamdam ang asawa at hindi mapasama ang bata sa kanyang sinapupunan.
Isang araw, may iba na namang pinaglilihian si Maria. Gusto raw niya ng prutas na bilugan ang hugis at sa loob nito ay may tubig at may puting laman na parehong ubod ng sarap at nakakabusog. Naghanap si Juan ng prutas na sinasabi ng kanyang asawa ngunit wala siyang makita na may ganoong paglalarawan.Maging ang mga kapitbahay na kanyang pinagtanungan ay walang alam na prutas na may ganoon bunga. Umuwi si Juan na bigo sa paghahanap ng nasabing prutas.
Dahil hindi nakakain ng pinaglilihian niyang prutas ay dinamdam ito ni Maria. Ayaw niyang kumain ngkahit ano maliban sa pagkaing kanyang inilalarawan. Siya ay unti-unting nanghina at nagkasakit. Nagmakaawa si Juan na kumain ang asawa dahil sa buntis pa man din ito ngunit ayaw talagang kumain ni Maria hangga’t matikman niya ang hinahanap na prutas.
Patuloy na nanghina si Maria at di kalaunan ay namatay. Dahil sa lungkot, inilibing ni Juan ang asawa sa kanilang bakuran. Ilang buwan ang nagdaan at may kakaibang halamang umusbong sa pinaglibingan kay Maria. Inalagaan ito ni Juan dahil naaalala niya ang yumaong asawa sa halamang ito. Dumaan pa ang dalawang taon at nagkabunga ang halaman na ngayon ay isa ng matayog na puno. Kumuha ng bunga si Juan at nang biyakin niya ito ay may laman itong parang tubig at puting laman.Tinikman ni Juan ang prutas at ito ay ubod sarap. Muli niyang naalala ang prutas na pinaglilihian ni Maria noon na ganoong-ganoon nga ang paglalarawan. Sa pagkakataong iyon, alam niya na ang puno ay ang kanyang namayapang asawa na si Maria.