Ang El Filibusterismo o Ang Paghahari ng Kasakiman ay ang pangalawang nobelang isinulat ni Jose Rizal, na kaniyang buong pusong inialay sa tatlong paring martir na lalong kilala sa bansag na Gomburza o Gomez, Burgos, at Zamora.
Ito ang karugtong o sequel sa Noli Me Tangere at tulad sa Noli, nagdanas si Rizal ng hirap habang sinusulat ito at, tulad din nito, nakasulat ito sa Kastila. Sinimulan niya ang akda noong Oktubre ng 1887 habang nagpapraktis ng medisina sa Calamba.
Sa London, noong 1888, gumawa siya ng maraming pagbabago sa plot at pinagbuti niya ang ilang mga kabanata. Ipinagpatuloy ni Rizal ang pagtatrabaho sa kaniyang manuskrito habang naninirahan sa Paris, Madrid, at Brussel, at nakompleto niya ito noong Marso 29, 1891, sa Biarritz. Inilathala ito sa taon ring iyon sa Gent. Isang nagngangalang Valentin Ventura na isa niyang kaibigan ang nagpahiram ng pera sa kanya upang maipalimbag at mailathala ng maayos ang aklat noong Setyembre 22, 1891.
Ang nasabing nobela ay pampulitika na nagpapadama, nagpapahiwatig at nagpapagising pang lalo sa maalab na hangaring makapagtamo ng tunay na kalayaan at karapatan ng bayan.
Basahin: Mga Tauhan Sa El FIlibusterismo
Ang Buod ng El Filibusterismo
Ang El Filibusterismo ay nagsisimula sa isang paglalakbay ng bapor sa pagitan ng Maynila at Laguna. Kabilang sa mga pasahero ang mag-aalahas at nagbabalat kayong si Simoun na dili iba’t si Ibarra, ang makatang si Isagani, at si Basilio. Itong huli, na ngayo’y binata na. Labintatlong taon na ang nakalipas mula nang mamatay si Elias at si Sisa.
Nakarating si Basilio sa San Diego at sa isang makasaysayang pagkakataon ay nakatagpo ni Simoun sa pagdalaw niya sa pinagbaunan sa kanyang ina sa loob ng libingan ng mga Ibarra. Nkilala niyang si Simoun ay si Ibarra na nagbabalatkayo; at upang ang ganitong lihim ay huwag mabunyag, ay tinangka ni Simoun na patayin si Basilio. Datapwa’t nakapaghunos-dli siya at sa halip ay hinikayat ang binata na makiisa sa kanyang layuning maghiganti sa Pamahalaang Kastila sa Pilipinas. Si Basilio ay tumanggi dahil sa ibig niyang matapos ang kanyang pag-aaral.
Habang ang Kapitan Heneral ay nagliliwaliw sa Los Banos, ang mga estudyanteng Pilipino ay naghain ng isang kahilingan sa Kanyang Kamahalan upang magtatag ng isang Akademya ng Wikang Kastila. Ang kahilingang ito ay di napagtibay, ayon sa nais ng mga estudyante, sapagka’t napag-alamang ang mamamanihala sa akademyang ito ay mga prayle (samahan ng pananampalataya), samantalang ang mga estudyante ay magiging tagapangilak lamang. Sa gayon, sila’y di magkakaroon ng karapatang makapangyari sa anupamang pamalakad ng nasabing akademya.
Samantalang nangyayari ito, si Simuon ay nakipagkita kay Basilio at muling hinikayat ang binatang umanib sa binabalak niyang paghihimagsik at mangulo sa isang pulutong na sapilitang magbubukas sa kumbento ng Sta. Clara upang agawin si Maria Clara. Subali’t hindi naibunsod ang ganitong Gawain dahil sa si Maria Clara’y namatay na nang hapong yaon.
Ang mga estudyante naman, upang mapapaglubag ang kanilang sama ng loob ukol sa kabiguang natamo sa panukalang pagtatatag ng akademya ng Wikang Kastila, ay nagdaos ng isang salu-salo sa Panciteria Macanista de Buen Gusto. Sa mga talumpating binigkas habnag sila’y nagsisikain ay tahasang tinuligsa nila ang mga prayle. Ang pagtuligsang ito ay nalaman ng mga Prayle kaya ganito ang nangyari: Kinabukasan ay natagpuan na lamang sa mga pinto ng unibersidad ang mga paskin na ang nilalaman ay mga pagbabala, pagtuligsa, at paghihimagsik. Ang pagdidikit ng mga pasking ito ay ibinintang sa mga kasapi ng kapisanan ng mga estudyante. Dahil dito ay ipinadakip sila at naparamay si Basilio, bagay na ipinagdamdam nang malabis ni Juli na kanyang kasintahan.
Sapagka’t ang mga estudyanteng ito ay may mga kamag-anak na lumakad sa kanila upang mapawalang-sala, kaya’t sila’y nakalaya, maliban kay Basilio na walang makapamagitan ng kanyang karukhaan at pagkamatay ni Kapitan Tiyago. Sa isang dako naman ay ipinamanhik ni Juli kay Pari Camorra na tulungan siya upang mapalaya si Basilio nguni’t sa halip na makatulong ang paring ito ay siya pang nagging dahilan ng pagkamatay ni Juli, gawa ng pagkalundag nito sa durungawan ng kumbento.
Upang maisagawa ni Simoun ang kanyang balak na paghihiganti, ay nakipagsama siya sa negosyo kay Don Timoteo Pelaez, ang ama ni Juanito. Sa ganitong paraan ay nagawa niyang maipagkasundo ang kasal nina Juanito at Paulita Gomez. Ang magiging ninong sa kasal ay ang Kapitan Heneral. Naanyayahan din niya upang dumalo sa piging na idaraos upang ipagdiwang ang kasal, ang mga may matatas na katungkulan sa Pamahalaan at mga litaw na tao sa lunsod.
Pagkaraan ng dalawang buwang pagkapiit ay nakalaya rin si Basilio sa tulong ni Simoun. Kaagad siyang nagtungo kay Simoun upang umanib sa paghihimagsik na nauumang. Sinamantala ni Simoun ang ganitong pagkakataon upang ipakita si binata ang bombing kanyang niyari. Ito ay isang lampara na may hugis Granada at kasinalaki ng ulo ng tao. Ang magarang ilawang ito ay siya niyang handog sa mga ikakasal na sina Juanito at Paulita. Ipalalagay ni Simoun ang lamparang ito sa gitna ng isang kiyoskong kakanan na ipasasadya niya ang pagkakayari. Ang ilawan ay ay magbibigay ng isang maningning na liwanag at pagkaraan ng dalawampung minuto ay manlalabo. Kapag hinagad na itaas ang mitsa upang paliwanagin, ay puputok ang isang kapsulang fulminato de mercurio, ang Granada ay sasabog at kasabay nito ay ang pagkawasak at pagkatugnaw ng kiyoskong kakanan — at walang sinumang maliligtas sa mga naroroon. Sa isang dako naman, ay malakas na pagsabog ng dinamita sa lampara ay siyang magiging hudyat upang simulan ang paghihimagsik na pangungunahan ni Simoun.
Comments are closed.