Ano ang Sanaysay at mga Uri ng Sanaysay

Ano ang Sanaysay?

Ang sanaysay ay tinatawag na “essay” sa wikang ingles. Ito ay isang uri ng sulatin na nagpapahayag ng pananaw o opinyon ng nagsulat nito. Ang isang sanaysay ay may pokus sa iisang diwa at paksa.

Ang mga sanaysay ay may layong magbahagi ng impormasyon, magpahayag ng nararamdaman, magbahagi ng opinyon, manghikayat ng ibang tao, at iba pa.

Tinuturing ang Sanaysay bilang isang uri ng pantikan na hindi mauubusan ng gamit. Iba-iba ang maaring maging porma nito. Maaring personal, na parang nakikipagusap, o kaya naman analitikal at siyentipiko.

Gumagamit ito ng pagsasalaysay, paglalarawan o pagpapatawa upang magpahayag ng katotohan o kaya mga karaniwang karanasan ng tao. Maari itong maikli o mahaba, at walang hadlang sa dami ng mga maaring isulat bilang isang sanaysay. Iba-iba rin ang maaring paraan ng pagsusulat ayon sa personalidad ng may-akda.

Nagmula ang salitang sanaysay sa makatang si Alejandro Abadilla, na nangangahulugang ” pagsasanay sa pagsusulat ng isang sanay o nakasulat na karanasan.

Dalawang (2) Uri ng Sanaysay

Nahahati ito sa dalawang uri ayon kay Genoveva Edroza Matute:

1. Palagayan/Impormal

Palagayan / impormal – malikhaing paghahayag ng saloobin mula sa mga personal na karanasan o obserbasyon sa mga bagay sa paligid.

2. Maanyo/Impormal

Maanyo / pormal – diskusyon ng mga seryosong paksa batay sa pagsasaliksik at pag-aaral ng mga impormasyon.

     Maari ring igrupo ang sanaysay bilang satirikal, pulitikal, panlipunan pangkasaysayan, pilosopikal, ispiritwal, inspirasyonal, pampanitikan o patawa, ayon kay Abadilla. Ngunit madalas na naghahalo ang mga anyong ito.

Kasaysayan ng Sanaysay

            Nang nasakop ng mga Espanyol ang Pilipinas, nagsikap ang mga mananakop, sa tulong ng mga pari na magsulat ng mga sanaysay ukol sa relihiyon at wika na maaring ituro sa mga katutubo.

Ilan sa mga ito ay ang Declaracion de los mandamientos de la ley de dios, isang paliwanag ukol sa Sampung Utos at ang Arte y reglas de las lengua tagala na nagsaad ng mga batas sa pagsulat at pagsasalita ng wikang Tagalog.

            Maitututing na unang sanaysay na sinulat ng isang Pilipino ay ang Librong Pag-Aaralan nang manga Tagalog nang Uicang Castila ni Tomas Pinpin. Dito ay sunod-sunod nang natuto ang mga tao ng mga prosa, tulad ng apuntes (memoirs) at informes (accounts).

Kahit na pangpersonal lang ang mga ito kadalasan, mababasa din dito ang ilang mga isyu sa pulitika, relihiyon at ekonomiya.

            Sa pagsisimula ng Samahang Repormista, nagsimula ang mga manunulat na magsulat ng mga sanaysay na naglalabas ng mga pang-aabuso ng mga mananakop, at humihiling sa mga Pilipino na kumilos laban dito. Ilan sa mga nakilalang manunulat noon ay si Fr. Jose Burgos, Pedro Paterno at Marcelo H. del Pilar.

Si Jose Rizal ay nagsulat din ng mga sanaysay na naging batayan sa kanyang mga pampubikong pananalita. Sa panahon ding ito lumabas ang La Solidaridad na naglilimbag ng mga sanaysay at artikulo ng mga repormista.

            Nang nagsimula ang rebolusyon, naiba ang hangarin ng mga manunulat patungo sa pagkakaisa ng mga Pilipino sa paglaban sa mga Kastila. Nagsimulang isulat ang mga salaysay gamit ang mga katutubong wika.

Una sa mga ito si Andres Bonifacio, ang lider ng Katipunan, tulad ng kanyang mga akdang Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog at Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan. Sila Emilio Jacinto at Apolinario Mabini ay nagsulat rin ng mga kahalintulad na akda, tulad ng Liwanag at Dilim at Kartilya ng Katipunan.

            Sa pagdating ng mga Amerikano, nauso ang paggamit ng wikang Ingles bilang wika sa pagsusulat ng mga sanaysay. Madalas itong impormal at sentimental, ngunit ang iba’y nanatili sa pagsusulat tungkol sa kalayaan ng bansa.

Nakilala sina Carlos Romulo, Fernando Marang, Maria Paz Mendoza Guanzon at Vicente Hilario. Nabuo din sa panahong ito ang Kapisanang Panitikan na nagnanais umali sa mga lumang pamantayan ng pagsusulat ng panahon.

            Pagkatapos ng digmaan, marami sa mga naisulat na sanaysay ay ginagamit sa pagsulat ng balita o artikulo sa dyaryo. Nakilala noong panahon na ito sila Francisco Icasiano, Nick Joaquin, Kerima Polotan, Gilda Fernando at Renato Constantino.

Ang mga sanaysay noon ay mailalarawan sa kanilang kritisismo sa Amerika at ang nasyonalismo na laganap bago ang pagdating ng Martial Law.  Sa panahon ng Pangulong Marcos, nasikil ang mga sanaysay na ito at nauso ang mga satirikong pagsusulat o mga sanaysay na personal ang tema.

Basahin:

Mga Elemento ng Sanaysay

Halimbawa ng Sanaysay tungkol sa Pandemya

Comments are closed.