Bakit nga ba mahalaga ang magmalasakit sa kapwa?
Tuwing mayroong pulubi na nanghihingi sa daan, sumagi ba sa iyong isipan na tumulong? Tuwing mayroong taong nangangailangan sa kahit ano mang aspeto, agad ka bang tumutulong kahit walang anumang kapalit?
Ilan lamang iyan sa mga halimbawa ng isang mabuting asal na itinuro saatin nung tayo’y mga bata pa lamang at yun ay ang pagmamalasakit sa kapwa. Hindi naman nakasaad sa kahit anumang libro na responsibilidad natin ang tumulong sa ibang tao datapwat, marami lang talaga saatin ang may kusa at may magandang puso na tumulong lalo na sa mga kababayan nating lubos na nangangailanagan.
Napakaganda sa pakiramdam na alam mo sa sarili mo na nakatulong ka sa iba. Sa maliit man o malaking paraan ay siguradong papahalagahan nito ng iyong natulungan. Ika nga nila “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang”.
Dito ay ipinapahayag na sa ating buhay, hindi lamang ang ating sarili ang dapat pagtuunan ng pansin kundi pati na rin ang mga tao sa ating paligid kaya’t napakahalaga ng pagmamalasakit at pakikipag kapwa tao. Mahalaga ito dahil sa paraang ito ay mas lumalalim ang ating relasyon sa kapwa natin, bInibigyan tayo ng tyansa na makilala ang isa’t isa.
Bilin din ng ating Panginoon na tumulong sa kapwa kaya’t sa paraang ito ay nagiging instrument tayo ng kanyang kabutihan at pagmamahal.
Ano kaya ang estado ng ating mundo kapag ang lahat ng tao na nabubuhay ay nakikipag tulungan sa isa’t isa at nagpapakita ng pagmamalasakit sa kapwa? Hindi ba mas magiging tahimik ang ating buhay at malayo ito sa anumang krisis o away? Isa rin sa kahalagahan ng pagmamalasakit sa kapwa ang pagkakaroon ng maayos, mapayapa at magkaunawaang pamayanan.
Kapag ang lahat ng tao ay iniisip lamang ang kapakanan ng iba at patuloy na nagmamalasakit sa isa’t isa ay makakamtan natin ang ating inaasam na kapayapaan sa mundo. Ang pagmamalasakit ay magiging daan upang magkaroon ng pagkakaisa tungo sa pag unlad ng ating bayan. Napakaraming paraan upang maipakita natin ang pagmamalasakit saating kapwa.
Kung hindi mo alam paano magsimula, puwede kang mag abot ng tulong sa iyong mga magulang na gumawa ng mga gawaing bahay para mabawasan ng kahit kaunti ang kanilang pagod. Mula sa mga simpleng paraan katulad ng paglilinis, pagtulong sa pagdala ng mga gamit ng guro, pagtulong sa isang mag aaral na nahihirapan sa klase, pagbibigay ng barya sa pulubi ay lubos na makakatulong ito sa taong nangangailangan.
Ilan lamang iyan sa mga halimbawa kung paano magpakita ng pagmamalasakit sa kapwa. Ang pagtulong ay kusa at kailanmay hindi dapat hinihingian ng kapalit. Hayaan natin na ang Diyos ang makakita sa ating mga mabuting ginagawa at suklian din tayo ng mga pagpapala sa buhay. Lagi nating tatandaan na kahit sa simpleng paraan ay puwede tayong mag alay ng tulong para sa ibang tao. Malaki o maliit man ito ay siguradong pasasalamatan nila tayo dahil hindi nakabase ang pagtulong sa halaga kundi ito ay nakabase sa iyong bukal na loob na tumulong sa kapwa.