Ang Kayarian ng salita- Dito malalaman kung papaano nabuo ang mga salita, kung ito ba ay salitang-ugat lamang, o may ikinakabit na panlapi, inuulit o tambalan. Ang salita ay may apat na kayarian. Ito ay ang Payak, Maylapi, Inuulit o Tambalan.
Kayarian ng Salita
1. Payak
Payak– Ang salita ay payak kung ito ay salitang-ugat lamang, walang panlapi, hindi inuulit at walang katambal na ibang salita. Halimbawa:
- bahay
- ganda
- aklat
- takbo
- sariwa
- bango
- kristal
- bakasyon
2. Maylapi
Maylapi– Maylapi ang salitang binubuo ng salitang-ugat at isa o higit pang panlapi. Tulad ng:
- umalis
- tinulungan
- magtakbuhan
- tindahan
- umasa
- bumasa
- basahin
- sambahin
Uri ng Panlapi
Maaaring isa o higit pang panlapi ang matatagpuan sa isang salitang-ugat. Maaaring nasa unahan, gitna o sa hulihan. Buhat nito, may iba’t ibang uri ng panlapi
a. unlapi. Ito ay mga panlapi na ikinakabit sa unahan ng salitang-ugat.
Um | + | asa | = | umasa |
Mag | + | aral | = | mag-aral |
Mang | + | isda | = | mangisda |
b. gitlapi. Ito ang mga panlaping isinisingit sa pagitan ng unang katinig at kasunod nitong patinig. Madaling salita, ang gitlapi ay mamatgpuan sa gitna ng salitang-ugat. Nagagamit lamang ang gitlapi kung ang salitang-ugat ay nagsisimula sa katinig.
-um- | + | basa | = | bumasa |
-in- | + | sulat | = | sinulat |
-um- | + | punta | = | pumunta |
-in- | + | biro | = | biniro |
c. hulapi. Ito ay mga panlaping matatagpuan sa hulihan ng salitang-ugat.
Halimbawa:
-hin + basa = basahin
-an + gupit = gupitan
-in + sulat = sulatin
-han + una = unahan
Mapapansin na ang –hin at –han ay hinuhulapi sa mga salitang nagtatapos sa patinig. Samantalang ang –in at –an ay hinuhulapi sa mga salitang nagtatapos sa katinig at sa impit na tunog na itinuturing din na isang ponemang katinig. Tulad ng sumusunod:
hindi basahin
d. kabilaan. Kabilaan ang tawag sa mga panlaping nasa unahan at hulihan ng salitang-ugat.
- ka- -an + laya = kalayaan
- mag- -an + mahal = magmahalan
- pala- -an + baybay = palabaybayan
- tala- -an + araw = talaarawan
e. laguhan. Laguhan ang tawag sa mga panlaping nasa unahan, gitna at hulihan ng salitang-ugat.
pag- -um- -an | + | sikap | = | pagsumikapan |
mag- -in- -an | + | dugo | = | magdinuguan |
(Pansinin na ang o ay nagiging u kapag hinuhulapian. Pansinin rin kung saan inilalagay ang mga gitling ayon sa uri ng panlaping tinutukoy).
3. Inuulit
Inuulit– Makabubuo ng mga salita sa tulong ng reduplikasyon ng salitang-ugat. Maaaring ulitin ang salitang-ugat ayon sa uri nito:
a. parsyal o di-ganap na pag-uulit. Inuulit lamang ang isa o higit pang pantig o silabol ng salitang-ugat at kahit may panlapi pa ito, tulad nito:
- alis = aalis
- ani = aani
- lipad = lilipad
- ligaya = liligaya
b. Buo o ganap na pag-uulit. Inuulit ang buong salitang-ugat nang may pang-akop o wala o may panlapi o wala. Paalala lamang na ang salitang ugat lamang ang inuulit.
araw | = | araw-araw |
sino | = | sino-sino |
iba | = | ibang-iba |
marami | = | marami-rami |
ayaw | = | ayaw na ayaw |
tao | = | tau-tauhan |
c. Magkahalong ganap at di-ganap na pag-uulit. Ito ang tawag kapag inuulit ang isang bahagi at ang kabuuan ng salita.
- lipad = lilipad-lipad
- payag = papayag-payag
- tatlo = tatatlo-tatlo
- takbo = tatakbu-takbo
- ilan = iilan-ilan
4. Tambalan
Tambalan. Ang dalawang salitang pinagsasama para makabuo ng isa lamang salita ay tinatawag na tambalang salita. May dalawa itong uri. ang tambalang di ganap at tambalang ganap.
a. Tambalang di-ganap. Sa uring ito, ang taglay na kahulugan ng dalawang salitang pinagtatambal ay hindi nawawala. Walang ikatlong kahulugang nabubuo. Halimbawa, sa tambalang-salitang bahay-kubo, ang kahulugan ng bahay ‘tirahan ng tao’ at ang kahulugan ng kubo ‘maliit na bahay na yari sa mga karaniwang materyales’ ay kapwa nananatili sa kahulugan ng salitang nabubuo. Ito ay nilalagyan ng gitling bilang pampalit sa mga katagang kinaltas.
Iba pang halimbawa:
- Asal-hayop (asal ng hayop)
- kulay-dugo (kulay ng dugo)
- ingat-yaman (ingat ng yaman)
- bahay-ampunan (bahay na ampunan)
- silid-tanggapan (silid na tanggapan)
- daang-bakal (daan na bakal)
b. Tambalang ganap. Sa uring ito, ang dalawang salitang pinagtatambal ay nakabubuo ng ikatlong kahulugang iba kaysa isinasaad ng mga salitang pinagsasama. Hindi ito ginagamitan ng gitling.
- basag + ulo = basag-ulo
- hampas + lupa = hampaslupa
- bahag + hari = bahaghari (rainbow)
- balat + sibuyas = balatsibuyas
Comments are closed.