– Sa paksang ito, ating tatalakayin ang mga impormasyon ukol sa panlabas na sektor. Sabay sabay nating alamin at pag aralan ito. Tara? Simulan na natin.
Ano nga ba ang Panlabas na Sektor?
– Ang Panlabas na Sektor ay tumutukoy sa sektor ng ekonomiya na nakikipag transaksyon sa ibang bansa. Ito rin ay ang pakikipagkalakalan sa pagitan ng dalawa o higit pang nasyon na kung saan sila ay nagpapalitan ng mga produkto kaya’t ito ay umaangkat o nagluluwas ng produkto mula at sa labas ng bansa.
Kahalagahan ng Panlabas na Sektor:
– Ang panlabas na sektor ay kasama sa paikot na daloy ng ekonomiya. Ito ay may mga epekto sa ekonomiya ng isang bansa dahil ito ay kasama sa diagram kung paano umuunlad at gumagana ang ekonomiya.
Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit napakahalaga ng Panlabas na Sektor saating ekonomiya:
1. Mahalaga ang panlabas na sector dahil hindi lahat ng kailangan natin ay nasa bansa. Kailangan ng ugnayan sa panlabas na sektor o ibang bansa para sa pag-angkat natin ng produkto. Sa Pilipinas, mahalaga ang panlabas na sektor para sa mga produktong petrolyo dahil wala namang sapat na suplay ng enerhiya sa bansa.
2. Ang panlabas na sektor ay nagdaragdag ng kita sa ating ekonomiya. Ang isang bansa ay hindi lamang nag-aangkat mula sa ibang bansa, kung hindi mayroon din silang ipinadadalang produkto sa panlabas na sektor. Karagdagang kita ito para sa bansa dahil ang suplay na mayroon sila ay di nila kayang ubusin, kaya marapat lamang na ibenta ito sa panlabas na sektor.
3. Nagkakaroon ng magandang ugnayan ang mga bansa. Mahalaga pa ring mayroong magandang ugnayan ang bawat bansa upang patuloy na makapagpalitan ng mga ideya, teknolohiya, maging lakas-paggawa upang mapanatili ang isang maayos at maunlad na ekonomiya. Mayroong mga bansang mas progresibo sa iba’t ibang aspekto na handa naman nilang ibahagi para sa kaunlaran ng mga kaalyadong bansa o sektor.