Sabayang Pagbigkas


Ang Sabayang Pagbigkas ay masining na pagpapakahulugan o interpretasyon sa anumang anyo ng panitikan sa pamamagitan ng sabayang pagbabasa nang malakas ng isang koro o pangkat.  Ito ay isang matimbang at maindayog na pangkatang tinig na nagpapahayag ng isang uri ng kaisipang masining at madamdamin.

Nagtataglay ito ng kaisahan at kagandahang halos katulad ng kahulugang pangkoro sa musika, isang pamamaraan ng masining na pagbigkas sa pamamagitan ng sama-sama, magkakatugma, magkakabagay at magkatugong-tinig, isang tuluy-tuloy na aliw-iw ng mga salita.  Ang koro ay nagtataglay ng iba’t-ibang uri ng tinig.  Pinagsasanib-sanib ang mga ito nang ayon sa wasto nilang tunog, himig, puwersa at lakas na siyang nagbibigay ng kariktan.  

Sinasabing ang higit na pinakamabisang pamukaw/panghikayat ng damdamin ng tao ay yaong nakatitigatig ng lahat ng pandama – nakikita, naririnig at nadarama.  Taglay ng Sabayang Pagbigkas ang lahat ng sangkap na ito kung kaya mabisa at mabunga ang nagiging epekto nito sa mga manonood/tagapakinig, gayon din naman sa mga bumubigkas/koro. (Andrade, 1993)

Ayon naman kay Abad (1996), ang Sabayang Pagbigkas ay isang kawili-wiling pamaraan ng pagpapahalaga sa panitikan sa pamamagitan ng pagsanib-sanib ng mga tinig ng koro ayon sa wasto nilang tunog, puwersa at lakas.  Taglay nito ang mabisang panghikayat o pamukaw sa damdamin dahil sa natitigatig nito ang pandinig, paningin at pandama ng tao.

Ang pakikilahok sa sabayang pagbigkas ayon kay Andrade (1993) ay nagdudulot sa mga mag-aaral ng mga sumusunod : Una, ito ay mabisang pamaraan ng pagkatuto ng wika.  Ikalawa, mabisa itong pamaraan sa paglinang at isang panghikayat sa pagkakaroon ng kabatiran at lugod sa pagpapaunlad ng panitikan.  Ikatlo, ito’y isang pangunahing pagsanay sa pagtatalumpati, pagbigkas nang isahan, pagpapakahulugan at pag-arte sa tanghalan.  Ikaapat, naglalaan ito ng malawak na kakayahan sa pagkalugod sa sining.  Ikalima, nakatutulong ito sa ikapagtatamo ng pang-unawa sa lipunan bunga ng isang gawaing pangkatan, pakikiisa at pakikibagay.  Ikaanim, isa itong panimulang kasanayan sa mahusay at mabisang paraan ng pakikipag-talastasan.