– Sa paksang ito, ating tatalakayin ang mga Uri ng Pananaliksik at mga karagdagang impormasyon ukol dito. Tara na’t sabay sabay natin palawakin ang ating mga kaisipan.
Bago natin talakayin kung ano nga ba ang iba’t ibang uri ng pananaliksik, atin munang balikan ang kahulugan ng Pananaliksik.
Ano nga ba ito?
– Ito ay pagtuklas at pagsubok ng isang teorya para sa paglutas ng isang suliranin na nangangailangang bigyan ng kalutasan. Ang pananaliksik ay isang makaagham na pagsisiyasat ng phenomena, ideya, konsepto, isyu at mga bagay na kinakailangang bigyang linaw, patunay o pasubali.
MGA URI NG PANANALIKSIK
1. Eksperimental
– Ito ay paraan na ginagamitan ng laboratory upang tuklasin ang kadalisayan at katotohanang bunga ng mga datos na nakalap para sa isang mahalagang problema at paksa.
2. Palarawan (Descriptive)
– Pinag-aaralan dito ang kasalukuyang ginagawa at mga isyu na importante sa tao. Ang mga mananaliksik sa uring ito ng pananaliksik ay nagsasagwa ng mga sarbey na nagpapaliwanag sa naging pakahulugan sa mga datos na nakalap.
3. Pangkasaysayan (Historical)
– Nauukol ito sa pag aaral sa mga bagay o isyu sa nakaraan. Kung may pagdududa sa isang pangyayari sa nakaraan, maaaring pag-aralan ang mga pangyayari sa likod nito at sa mga pangyayari na bumabalot dito.
4. Pag-aaral sa isang kaso (Case Study)
– Nagagamit ang paraang ito sa pananaliksik sa isang usaping panghukuman na naging lubhang kontrobersyal, inaalam dito ang mga dahilan kung bakit naganap ang mga pangyayari.
May iba’t iba ring uri ng pananaliksik ayon sa layunin. Maaari itong mauri sa tatlong kategorya: (1) basic, (2) action, at (3) applied na pananaliksik.
- BASIC RESEARCH
– Ang resulta ng tinatawag na basic research ay agarang nagagamit para sa layunin nito. Makatutulong din ang resulta nito para makapagbigay pa ng karagdagang impormasyon sa isang kaalamang umiiral na sa kasalukuyan.
- ACTION RESEARCH
– Ito ay ginagamit upang makahanap ng solusyon sa mga espesipikong problema o masagot ang mga espesipikong mga tanong ng isang mananaliksik na may kinalaman sa kanyang larangan. Ang resulta nito ay ginagamit ding batayan sa pagpapabuti ng bagay na siyang paksa ng pananaliksik.
- APPLIED RESEARCH
– Ang resulta naman ng applied research ay ginagamit o inilalapat sa majority ng populasyon.