Ang alamat o legend o folklore sa wikang Ingles ay isang kuwentong maaaring kathang-isip lamang o may bahid ng katutohanang tumatalakay sa pinagmulan ng isang bagay, lugar, pangyayari o katawagan. Karaniwan nang nakapaloob sa isang alamat ang kagitingan o kabayanihan ng ating mga ninuno.
Ang alamat ay isang uri ng panitikan na nagkukuwento tungkol sa mga pinagmulan ng mga bagay-bagay sa daigdig. Ito ay mga kwento ng mga mahiwagang pangyayari na nagpasalin-salin sa bibig ng mga taong-bayan kaya’t walang nagmamay-ari o masasabing may akda ito.
Ang alamat ay karaniwang tumatalakay sa mga katutubong kultura, kaugalian o kapaligiran. Ito ay tumatalakay din sa mga katangiang maganda, tulad ng pagiging matapat, matapang, matulungin, at sa mga katangiang hindi maganda tulad ng pagiging mapaghiganti, masakim, o mapanumpa,
Nguni’t sa bandang huli ang kuwento ay kinapupulutan ng aral para sa ikabubuti ng iba. Ito ay sumasalamin sa kultura ng bayang pinagmulan nito.
3 BAHAGI NG ALAMAT
PANIMULA
Kabilang sa simula ang mga tauhan, tagpuan, at suliranin. Sa mga tauhan nalalaman kung sino-sino ang magsisiganap sa kuwento at kung ano ang papel na gagampanan ng bawat isa.
Maaaring bida, kontrabida, o suportang tauhan. Sa tagpuan nakasaad ang lugar na pinangyayarihan ng mga aksyon insidente, gayundin ang panahon kung kailan naganap ang kuwento.
At ang bahagi ng suliranin ang nagsasaad ng problemang haharapin ng pangunahing tauhan.
KATAWAN
Binubuo ang gitna ng saglit na kasiglahan, tunggalian, at kasukdulan. Ang saglit na kasiglahan ang naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin.
Ang tunggalian naman ang bahaging nagsasaad sa pakikitunggali o pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan laban sa mga suliraning kakaharapin, na minsan sa sarili , sa kapwa, o sa kalikasan.
Samantalang ang kasukdulan ang pinakamadulang bahagi kung saan maaaring makamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kaniyang ipinaglalaban.
KONKLUSYON
Binubuo ang wakas ng kakalasan at katapusan . Ang kakalasan ang bahaging nagpapakita ng unti-unting pagbaba ng takbo ng kuwento mula sa maigting na pangyayari sa kasukdulan.
At ang katapusan ang bahaging maglalahad ng magiging resolusyon ng kuwento. Maaaring masaya o malungkot, pagkatalo o pagkapanalo.
Sa tulong ng bawat bahagi ng alamat ay naipakita ang mga pangyayari na sumasalamin sa kultura, tradisyon, kaugalian at kalagayang panlipunan ng sinaunang Pilipino.
Mga Elemento ng Alamat
Ang alamat ay may pitong pangunahing elemento:
- Tauhan: Ito ang mga nagsiganap sa kwento at kung ano ang papel na ginagampanan ng bawat isa.
- Tagpuan: Inilalarawan dito ang lugar na pinangyarihan ng mga aksyon at insidente, gayundin ang panahon kung kailan ito nangyari.
- Saglit na Kasiglahan: Ito ay naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin.
- Tunggalian: Ito naman ang bahaging nagsasaad sa pakikitunggali o pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan laban sa mga suliraning kakaharapin na minsan ay sa sarili, sa kapwa, o sa kalikasan.
- Kasukdulan: Ito ang pinakamadulang bahagi kung saan maaaring makamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang ipinaglalaban.
- Kakalasan: Ito ang bahaging nagpapakita ng unti-unting pagbaba ng takbo ng kwento mula sa maigting na pangyayari sa kasukdulan.
- Katapusan: Ito ang bahaging maglalahad ng magiging resolusyon ng kwento. Maaaring masaya o malungkot, pagkatalo o pagkapanalo.
Ang mga elementong ito ay nagbibigay ng buhay at lalim sa mga kuwento ng alamat, at nagpapakita ng iba’t ibang aspeto ng ating kultura at kasaysayan.
Mga Halimbawa ng Alamat
- Alamat ng Pinya
- Alamat ng Sampalok
- Alamat ni Juan Tamad
- Alamat ni Prinsesa Manora
- Alamat ng Matsing
- Alamat ng Ampalaya
- Alamat ng Durian
- Alamat ni Tungkong Langit at Alunsina
- Alamat ng Chocolate Hills
- Alamat ni Daragang Magayon
- Alamat ng Kasoy
- Alamat ni Mariang Makiling
- Alamat ng Mindanao
- Alamat ng Niyog
- Alamat ng Sampaguita
- Alamat ni Tungkung Langit
- Alamat ng Anay
- Alamat ng Makahiya
Comments are closed.