Bakit nga ba kailangang pahalagahan ang kalikasan?
Bagyo, Baha, Lindol at Landslide. Ilan lamang iyan sa mga kalamidad na nararanasan ng halos lahat ng mga bansa saan mang sulok ng mundo.
Hindi na bago ito lalo na sa panahon ngayon ngunit hindi ba dapat mas maalarma tayo dahil sa sinasapit ng ating mundo na ginagalawan?
Hindi ba dapat gumawa na tayo ng aksyon upang hindi na lumala ang nararanasan natin sa kasalukuyan? Ang lahat ng sakuna na nangyayari sa mundo ngayon ay repleksyon lamang sa kung paano tinatrato ng mga taong naninirahan dito ang kalikasan.
Lingid sa ating kaalaman ay nagsusumigaw na ang ating kalikasan upang siya ay mapansin at pangalagaan. Ang kalikasan ay mayroong napakalaking parte sa bawat isang nilalang na nabubuhay dahil ito ang rason kung bakit tayo nabubuhay sa mundo. Kung wala ang kalikasan, wala tayong hangin na mailalanghap.
Kasama na rin dito ang mga pangangailangan natin katulad ng pagkain at tubig dahil karamihan sa ating kinakain ay galing sa kalikasan kaya’t dapat nating pangalagaan ito dahil hindi tayo magtatagal sa mundong ito kung patuloy nating sinisira ang ating kapaligiran. Laging pakakatandaan na ang kalikasan ay ang pinakamahalagang aspeto para mabuhay ang isang tao.
Sa kabila ng kaalaman tungkol dito, hindi parin masyadong binibigyan ng pansin ng mga tao ang kasalukuyang sitwasyon na nangyayari sa ating kapaligiran. Sa katunayan, mayroong balita ukol sa nagpoprotestang mga siyentipiko na nagsasabi na masyado na raw bugbog ang ating kalikasan sa mga masasamang gawain ng mga tao at pinakamalala, kapag hindi daw ito na aksyonan kaagad at gawan ito ng paraan ay baka sa susunod na tatlong taon ay hindi na natin mapipigilan ang mga pinakamalubhang epekto dulot ng “climate change”.
Paano nga ba natin matutulungan ang inang kalikasan upang makabangon at gumaling sa malubhang dulot ng kagagawan ng mga tao? Sabi nga ng iba, ang pagbabago ay nagsisimula sa isang maliit na gawain kaya’t puwede nating simulan sa ating mga tahanan.
Matuto tayong pangalagaan ang ating kalikasan sa simpleng pagpatay ng ilaw, pagserado ng tubig kapag hindi ginagamit, pag recycle ng mga plastik at ugaliin rin na itapon ang mga basura sa tamang lugar. Ilan lamang iyan sa mga paraan kung paano tayo makakatulong na isalba ang ating kalikasan.
Kapag tayo’y tulong tulong na gumawa ng paraan, paniguradong matutulungan natin ang ating mundo na bumangon ulit. Ang pangangalaga sa kalikasan ay napakahalaga sapagkat ang buhay din natin ang nakasalalay rito. Isipin natin ang kapakanan natin at sa susunod pang mga henerasyon kaya’t hanggang hindi pa huli ang lahat, magsimula na tayong tutukan ang problema sa kalikasan upang mabigyan agad ito ng agarang solusyon para hindi na ito umabot pa sa mas malala pang puwedeng mangyari.
Bilang isang indibdwal, ugaliin natin na sa kahit ano mang gawain na ating gagawin, isipin natin kung makakatulong o makakasira lang ba ito sa ating kalikasan. Sa paraang ito, hindi magtatagal ay makikinabang rin tayo sa pag ahon ng ating mundong ginagalawan, ang ating inang kalikasan.