Ang banghay ay tumutukoy sa maayos at malinaw na pagkakasunod-sunod ng mga magkakaugnay
na pangyayari sa akda o paksa.
Inilalahad dito ang maayos na pagsasalaysay ng mga pangyayari tulad ng ano ang mga
pangyayari at ano ang kaugnayan at kahulugan ng mga pangyayaring ito sa binasang akda.
Mga Bahagi ng Banghay
Mayroong tatlong bahagi ang banghay. Ito ay ang simula, gitna at ang wakas.
Simula
Dito pa lamang ay mababanggit na ang kilos, paglinang sa pagkatao, mga hadlang o suliranin.
Gitna
Naglalaman ito ng mga maayos, sunod-sunod at magkakaugnay na mga pangyayari.
Wakas
Dito nagkakaroon ng kalutasan ang suliranin.
Mga Elemento ng Banghay
Panimulang Pangyayari
Sa bahaging ito ipinakilala sa mga mambabasa ang mga tauhan at tagpuan.
Nagsisimula ito sa unang kalagayan na dapat na makapukaw sa interes ng mga mambabasa na ipagpatuloy ang pagbabasa ng akda o paksa.
Dito ang paglalahad o paglalarawan sa tauhan, tagpuan o maaaring mailahad agad ang suliranin.
Pataas na Aksyon
Sa bahaging ito, tumitindi o tumataas ang galaw o kilos ng mga tauhan na humahantong sa sukdulan. Nahahati ito sa saglit na kasiglahan at tunggalian na may suliraning lulunasan o lulutasin ng tauhan.
Dito nagaganap ang paglalahad sa suliranin. Isinasaad ang mga nagiging reaksiyon o hakbang ng mga tauhan sa inilahad na suliranin.
Kasukdulan
Dito sa bahaging ito ipinakikita ang mataas na bahagi ng kapanabikan na sanhi ng madamdamin o maaksyong pangyayari sa buhay ng mga tauhan.
Ito ang pinakamataas na bahagi ng kuwento. Masasabing dito sa bahaging ito ang pinakakapana-panabik na bahagi ng kuwento. May mga kuwentong ang kasukdulan ang nagiging wakas ng kuwento.
Pababang Aksyon
Ipinakikita sa bahaging ito ang unti-unting pagbibigay-linaw sa mga pangyayari sa akda. Dito inihuhudyat ang pababang aksyon na nabibigay-daan sa nalalapit na katapusan ng akda.
Dito makikita ang kakalasan. Sa kakalasan, sa mga kumbensyunal o tradisyonal na kuwento, madalas maglagay ng ganito ang mga manunulat.
Wakas
Ang kinahinatnan ng mga tauhan at ng mga pangyayari sa akda ay inilalahad dito. Maaaring ang wakas ay masaya, malungkot, o nagbubukas sa iba pang ideya o tinatawag na open-ended.