– Sa paksang ito, ating tatalakayin ang mga detalye ukol sa Sektor ng Agrikultura. Tara na’t ating simulan!
Alam mo ba: Humigit kumulang na 7,100 islaang bumubuo sa Pilipinas. Dahil sa dami at lawak ng lupain, napabilang ang Pilipinas sa mga bansang agrikultural dahil malaking bahagi nito ang ginagamit sa mga gawaing pang-agrikultura.
Rekomendasyon: Sektor ng Ekonomiya
Ano ang Sektor ng Agrikultura?
– Ito ay mas kilala bilang primaryang sektor. Ito ang sektor ng agrikultura na pumapatungkol sa paggawa ng mga pagkaing kakainin sa pang-araw-araw na pamumuhay at mga materyales na siyang pangunahing sangkap sa pagbuo ng mga produkto na ipinagbibili sa susunod na mga sektor.
Sektor ng Agrikultura -> Sektor ng Industriya-> Sektor ng Paglilingkod
IBA’T IBANG ANYO AT GAWAIN NG SEKTOR NA ITO:
1. Pagsasaka
– Ito ay isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng pagkain at materyales, kagaya na lamang ng palay, trigo, niyog, tubo, pinya, kape, mangga, at tabako. Ito rin ay naihahalintulad ng karamihan sa agrikultura sapagkat ito’y ang pag-aalaga at pag-aani ng tanim.
2. Pangugubat
– Ito ay isa sa mga pangunahing gawaing sinasakop ng primaryang sektor. Sa panggugubat nakukuha ang hilaw na mga sangkap na ginagamit bilang proteksyon, hanapbuhay, pagluluto, at panlibangan, kagaya na lamang ng plywood, mesa, pader, panggatong, bangka, at iba pa. Sa panggugubat din nakukuha ang mga halamang hindi kahoy katulad ng rattan, nipa, anahaw, at kawayan.
3. Panghahayupan
– Ito ay tumutukoy sa pag-aalaga ng mga hayop na gaya ng kalabaw, baka, kambing, baboy, manok at pato. Ang layunin nito ay ang pagbibigay ng mga pangangailangan sa karne at iba pang mga pagkain. Ito ay gawaing pangkabuhayang kinabibilangan ng mga tagapag-alaga ng mga hayop
4. Pagmimina
– Ito ay isang uri ng gawaing saklaw ng primaryang sektor ng ekonomiya. Sa pagmimina nakukuha ang mga likas na yamang mineral, di-mineral, at enerhiya na makikita sa loob at lupa ng mga bundok, sa lupa ng mga kapatagan, at sa sahig ng karagatan.
5. Pangingisda
– Dito makukuha ang mga pagkaing-dagat na siyang pangunahing pinagkukunan ng protina ng mga Pilipino. Ito ay isang gawain sa sektor ng agrikultura na kung saan ay ang Pilipinas ay may malaking parte dahil tayo ay isa sa mga pinakamalaking tagatustos ng isda sa mga bansa sa iba’t ibang panig ng mundo, matatagpuan sa Pilipinas ang pinakamalaking daungan ng isda.