Sa mga naunang artikulo, ating natalakay ang kahulugan ng posisyong papel at kung paano gumawa nito.
Ngayon naman ay ang halimbawa ng Posisyong Papel.
Takdang-Aralin sa Katapusan ng Linggo, Ipagbawal
Sa panahon ngayon na tayo’y nasa ilalim ng programang K-12, may mga aralin na dumagdag kumpara sa naunang kurikulum. Ang iilan ay sumasang-ayon sa benepisyong nakukuha ng mga mag-aaral sa nasabing kurikulum ngunit may iilan pa rin ang tumatanggi. Sa pagdagdag ng iba’t ibang uri ng asignatura ay nadaragdagan rin ang mga takdang-aralin at proyekto ng mga mag-aaral. Ang iilan pa nga sa mga ito ay tumatambak na nang dahil sa sunod-sunod o sabayang araw ng pagpasa ng mga requirements.
Sa pagsasapatupad ng No Assignments on Weekends Policy ay marami naman itong benepisyo para sa mga mag-aaral lalo na sa kanilang kalusugan partikular sa kanilang kalusugang mental. Sa pagkakaroon ng maraming gawain ng mga mag-aaral, nagagawa ng iilan na mag multitasking na minsa’y umaabot sa punto na sila’y nape-pressure dahil sa tambak na gawain.
Minsan, nang dahil sa pressure na ito ay nagiging sobra sa pag-iisip o nago-overthink ang iilan kung ang mga ginagawa ba nila ay tama o mali, na kanila pang titiyakin ng paulit-ulit ang mga ito. Nang dahil sa mga ito, kapag hindi nagawa ng maayos, na kahit na gaano pa man kalaki ang pagsisikap na ibinuhos ng mag-aaral para sa kanyang mga gawain, minsan ay nakakakuha pa ito ng mababang marka na siyang nagdudulot ng depresyon sa mag-aaral.
Kaya sa susunod na gawain, umaabot ito ng madaling araw para lamang maging maayos at wasto ang kanyang ginagawa. Kaya ang mag-aaral ay nawawalan na ng oras para sa kanyang pamilya. Sabi nga ng iilan, “Sunday is family day,” nakakatawang isipin dahil ang araw ng Linggo ay nagiging bonus na araw para sa mga mag-aaral upang mapagpatuloy o matapos ang kanilang mga gawain sa paaralan.
Ang ating mga magulang ang siyang nagpapaaral sa atin ngunit hindi natin sila nabibigyan ng kaunting oras para makapag-saya kahit isang araw man lang. Ang ating pagbubuti sa pag-aaral ay isa sa mga magagandang maisusukli natin sa paghihirap nila upang tayo’y makapag-aral ngunit mas magiging masaya rin sila kung kahit papano ay magkakaroon tayo ng oras sa kanila.
Ang araw ng Sabado at Linggo ay maaari rin maging araw ng pahinga para sa mga mag-aaral matapos ang limang araw na sunod-sunod sa paaralan. At ang mga nasabing araw ay napakaikli para tapusin ang tambak na gawain kung kaya’t ang iilan sa mga gawain ay hindi na naisasagawa ng tama. At ang iilan sa mga mag-aaral ay nawawalan na ng gana pumasok sapagkat hindi na nila nakikita ang saya sa pagtuto ng bagong aralin dahil ito ay nagiging sistema na lamang ng pagpasa ng mga gawain at ang pagkakaroon ng pasadong markahan.
Maaaring may magandang benepisyo ang pagbibigay ng takdang-aralin sa mga mag-aaral sa araw ng Sabado at Linggo ngunit mas umiiral ang pagiging sagabal nito sa mga mag-aaral. Naaapekto nito ang kanilang kalusugang mental, ang kanilang oras para sa kanilang pamilya at sarili at pati na rin ang kanilang pagka-interesadong mag-aral sa paaralan. Mas mainam na bawasan ang pagbibigay ng takdang-aralin at hindi ipagsabay-sabay ang araw ng pagpasa ng mga requirements.
Isinulat ni: Gorda, Gleann Alex T.