Ano ang Pokus ng Pandiwa? Sa artikulong ito aalamin natin kung ano ang kahulugan ng Pokus ng Pandiwa. Pokus ang tawag sa relasyon ng pandiwa sa paksa o simuno ng pangungusap. Ito ay naipapakita sa pamamagitan ng taglay na panlapi ng pandiwa.
May pitong pokus ang pandiwa: ang Aktor-pokus, Pokus sa layon, Lokatibong pokus, Benepaktibong pokus, Instrumentong pokus, Kosatibong pokus, at Pokus sa direksyon.
Pitong (7) Pokus ng Pandiwa
1. Aktor-pokus (Pokus sa tagaganap)- ang pandiwa ay nasa pokus sa tagaganap kapag ang paksa ng pangungusap ang tagaganap ng kilos na isinasaaad sa paksa.
Sa aktor-pokus, ang simuno o paksa ang gumaganap ng kilos sa pangungusap. Sinasagot nito ang tanong na “sino?” Ginagamitan ito ng mga panlaping mag-, um-, mang-, ma-, maka-, makapag-, maki-, o magpa-.
Mga Halimbawa:
- Maglilinis ng bahay si Camille sa linggo.
- Nagsaing ng kanin si Tatay Emilio para sa hapunan.
- Nagbenta si Lourdes ng pastil sa eskwelahan.
- Bumili si loyd ng kagamitan para sa assignment.
- Manonod ng teleserye si kathy mamaya.
2. Pokus sa Layon- ang pandiwa ay nasa pokus sa layon kung ang layon ay ang paksa o ang binibigayang-diin sa pangungusap.
Sa pokus sa layon, ang paksa ang layon ng pandiwa sa pangungusap. Sumasagot ito sa tanong na “ano?”
Ginagamitan ito ng mga panlaping -in-, -i-, -ipa-, ma-, na-, o -an.
Mga Halimbawa:
- Lutuin mo ang isda na nasa ref..
- Kainin mo ang gulay.
- Itago mo ang aking singsing.
- Kunin mo ang pera ko sa aking bag.
- Nakita ni mel ang nawawalang libro.
3. Lokatibong Pokus (Pokus sa Kaganapan)- ang pandiwa ay nasa pokus sa ganapan kung ang paksa ay ang lugar o ganapan ng kilos.
Ang paksa o simuno ang lugar na ginaganapan ng pandiwa sa pangungusap. Sinasagot nito ang tanong na “saan?”
Ginagamitan ito ng mga panlaping pag-/-an, -an/-han, ma-/-an, pang-/-an, mapag-/-an, pinag/an, o in/an.
Mga Halimbawa:
- Pinagdausan ng kasal ang lumang simbahan.
- Pinagtaniman ni Jerry ang bukid ng kanyang tatay.
- Sa labas ng paaralan, pinagprotestahan ng mga kabataan ang kanilang mga karapatan.
- Pinuntahan ng teacher ang tahanan ng kanyang mga estudyante.
4. Benepaktibong Pokus (Pokus sa Tagatanggap)- ito naman ay tumutuon sa tao o bagay na nakikinabang sa resulta ng kilos na isinasaad ng pandiwa.
Ang simuno o paksa ang tumatanggap sa kilos ng pandiwa sa pangungusap. Sinasagot nito ang tanong na “para kanino?”
Ginagamitan ito ng mga panlaping i-, -in, ipang-, o ipag-.
Mga Halimbawa:
- Ipinagdiwang nila ang kanyang kapanganakan.
- Ibinili ni Drake ng pasalubong si Lolo.
- Kami ay ipinagluto ni Ate ng Adobo.
- Tinahi niya ang damit ni Carlo.
5. Instrumentong Pokus (Pokus sa Gamit)- ito ay tumutukoy sa kasangkapan o bagay na ginagamit upang maisagawa ang kilos o pandiwa na siyang paksa ng pangungusap.
Ang simuno o paksa ang kasangkapan o bagay na ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa sa pangungusap. Sumasagot ito sa tanong na “sa pamamagitan ng ano?”
Ginagamitan ito ng mga panlaping ipang- o maipang-.
Mga Halimbawa:
- Ipinanghampas nya sa mga estudyante ang mahabang stick.
- Ipinahid nya sa mukha ang lumang panyo.
- Ipinampalo nya sa kanyang anak ang belt na hawak nya.
6. Kosatibong Pokus (Pokus sa Sanhi)- ang pandiwa ay nakapokus sanhi kung ang paksa ay nagpapahayag ng dahilan o sanhi ng kilos.
Ang simuno o paksa ang nagpapahayag ng sanhi ng kilos ng pandiwa sa pangungusap. Sinasagot nito ang tanong na “bakit?”
Ginagamitan ito ng mga panlaping i-, ika-, o ikina-.
Mga Halimbawa:
- Ikinatuwa nya ang magandang regalo ng kanyang kapatid.
- Ikinalungkot ni Rose ang pagpanaw ng kanyang Nanay.
- Ikinagalit namin ang panggigipit ng aming boss.
7. Pokus sa Direksyon- pinatutuunan ng pandiwa ang direksyon o tinutongo ng kilos.
Ang simuno o paksa ang nagsasaad ng direksyon ng kilos ng pandiwa sa pangungusap. Sumasagot ito sa tanong na “tungo saan o kanino?”
Ginagamitan ito ng mga panlaping -an, -han, -in, o -hin.
Mga Halimbawa:
- Pinasyalan namin ang parke.
- Sinulatan niya ang kanyang Nanay.
- Pinuntahan niya ang hospital kung saan naconfine ang kanyang asawa.
Kaganapan ng Pandiwa
Ang kaganapan ng pandiwa ay ang relasyon ng pandiwa sa panaguri ng pangungusap.
May pitong kaganapan ng pandiwa. Ito ang kaganapang tagaganap, kaganapang layon, kaganapang tagatanggap, kaganapang ganapan, kaganapang kagamitan, kaganapang direksyunal, at kaganapang sanhi.
1. Kaganapang Tagaganap
Ito ang bahagi ng panaguri na gumaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa.
Ang pananda na ginagamit dito ay ni o ng.
Mga Halimbawa:
- Ikinatuwa ng mga Pilipino ang pagkapanalo ni Catriona Gray sa Miss Universe.
- Kinakain ni Mila ang sopas na luto ng kanyang ina.
2. Kaganapang Layon
Ito ang bahagi ng panaguri na nagsasaad kung ano ang bagay o mga bagay na tinutukoy ng pandiwa.
Ginagamit dito ang panandang ng.
Mga Halimbawa:
- Si Juan ay bibili ng iPhone sa mall.
- Namigay ng salapi si Pacquiao sa mga mahihirap.
3. Kaganapang Tagatanggap
Bahagi ito ng panaguri na nagpapahayag kung sino ang tumatanggap ng kilos ng pandiwa.
Kalimitan ditong ginagamit ang panandang para sa o para kay.
Mga Halimbawa:
- Nagbigay ng donasyon ang GMA para sa mga nasalanta ng malakas na lindol.
- Nagbuwis ng buhay si Simoun para sa mga Pilipino.
4. Kaganapang Ganapan
Bahagi ito ng panaguri na nagsasaad ng lugar o pook na ginaganapan ng kilos ng pandiwa.
Panandang sa ang ginagamit dito.
Mga Halimbawa:
- Nanood ng sine si Lara sa mall.
- Pupunta kami sa Korea.
5. Kaganapang Kagamitan
Nagsasaad ang bahaging ito ng panaguri ng bagay o instrumentong ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa.
Ginagamitan ito ng panandang sa pamamagitan ng.
Mga Halimbawa:
- Nilinis niya ang mga kalat sa pamamagitan ng walis at pandakot.
- Gumawa siya ng banga sa pamamagitan ng luwad.
6. Kaganapang Direksyunal
Bahagi ito ng panaguri na nagtuturo sa direksyon ng kilos na taglay ng pandiwa.
Ginagamit na pananda ang pang-ukol na sa.
Mga Halimbawa:
- Namasyal sila sa BGC buong araw.
- Nagliwaliw sila sa Pasig kagabi.
7. Kaganapang Sanhi
Ang bahaging ito ng panaguri ay nagsasaad ng dahilan ng pagkakaganap ng kilos ng pandiwa.
Ginagamit na pananda ang pariralang dahil sa.
Mga Halimbawa:
- Napaiyak si Jose dahil sa matinding kalungkutan.
- Nagtagumpay siya dahil sa kasipagan at diskarte sa buhay
Comments are closed.