Layunin ng Akademikong Pagsulat

Atin nang napag-aralan ang tungkol sa kahulugan, katangian at kalikasan ng Akademikong Pagsulat. Ngayon naman ay ating tatalakayanin kung ano ba ang layunin nito. Upang malaman, ay ipagpatuloy ang pagbabasa.

Layunin ng Akademikong Pagsulat

 Ang mga karaniwang layunin ng akademikong pagsulat ay manghikayat, magsuri at/o magbigay-impormasyon na sa mga kasunod na talataan ay ipinaliliwanag.

1. Mapanghikayat na Layunin

Sa akademikong pagsulat na ito, layunin ng manunulat na mahikayat ang kanyang mambabasa na maniwala sa kanyang posisyon hinggil sa isang paksa.

Kung kaya upang maisakatuparan ang layunin na ito, pumipili siya ng isang sagot sa kanyang tanong, sinusuportahan iyon gamit ang mga katwiran at ebidensya, at tinatangka niyang baguhin ang pananaw ng mambabasa hinggil sa paksa. Isang halimabawa nito ay ang pagsulat ng Posisyong Papel.

2. Mapanuring Layunin

Tinatawag din itong analitikal na pagsulat. Ang layunin dito ay ipaliwanag at suriin ang mga posibleng sagot sa isang tanong at piliin ang pinakamahusay na sagot batay sa ilang pamantayan.

Sa mga ganitong pagsulat, madalas iniimbestigahan ang mga sanhi, ineeksamen ang mga bunga o epekto,sinusuri ang kabisaan, inaalam ang mga paraan ng paglutas ng suliranin pinag-uugnay-ugnay ang iba’t ibang ideya at inaanalisa ang argumento ng iba.

 Kinapapalooban ito ng bahaging sintesis kung saan pinagsasama-sama ang iba’t ibang bahagi upang makabuo sa sariling sagot sa tanong kaugnay ng paksa.

Isang halimbawa nito ay ang pagsulat ng Panukalang Proyekto.

3. Impormatibong Layunin.

Sa impormatibong akademikong pagsulat, ipinipalliwanag ang mga posibleng sagot sa isang tanong upang mabigyan ang mambabasa ng bagong impormasyon o kaalaman hinggil sa paksa.

Isang halimbawa nito ay ang pagsulat ng Abstrak. Dapat tandaan na ang isang manunulat ay maaaring may isa lamang, o kaya ay dalawa, o kahit pa tatlong layunin sa pagsulat ng isang akademikong papel.

TUNGKULIN O GAMIT NG AKADEMIKONG PAGSULAT

1. Ang akademikong pagsulat ay lumilinang ng kahusayan sa wika.

Sa akademikong pagsulat, nalilinang ang kakayahang komunikatibo ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan kasi ng ng aplikasyon ng kaalaman sa gramatika at sintaktika sa mga gawaing pasulat, naililinang ang kakayanhang pagmatik ng mga mag-aaral.

Samantala, sa pag-oorganisa ng mga akademikong papel, nalilinang ang kakayahang diskorsal ng mga mag-aaral. Mga kakayahan itong humuhubog sa mga mag-aaral upang maging mabisang komyunikeytor.

2. Ang akademikong pagsulat ay lumilinang ng mapanuring pag-iisip.

 Ang akademikong pagsulat ay tinitingnan bilang isang proseso, kaysa bilang isang awtput. Ang prosesong ito ay maaring kasangkutan ng pagbasa, pagsusuri, pagpapasya at iba pang mental o pangkaisipang gawain.

Ito’y mga gawaing lumilinang ng kritikal na pag-iisip na kailangang-kailangan upang ang isang indibidwal ay maging matagumpay hindi lamang sa akademya, kundi lalo’t higit sa iba’t ibang gawain at larangan sa labas ng paaralan.

3. Ang akademikong pagsulat ay lumilinang ng mga pagpapahalagang pantao.

  Sa pamamagitan ng akademikong pagsulat, inaasahang malilinang ang katapatan sa bawat mag-aaral. Halimbawa, pauli-ulit ang pagbibigay-diin ng mga may-akda at ng mga guro sa intellectual honesty sa pagsulat ng ano mang akademikong papel.

Ang akademikong pagsulat ay inaasahan ding makapagpatuturo sa mga mag-aaral ng halaga ng kasipagan, pagtitiyaga, pagsisikap, responsibilidad, pangangatwiranat pagpapanantiling bukas na isipan.

 Samantala, may mga gawaing pasulat na kailangang gawin nang pangkatan. Kung gayon, inaasahang malilinang sa mga mag-aaral ang kooperasyon sa mga gawaing ito, maging ang pag paggalang ng individual, ethnic o racial differences.

Dahil sa pagsulat ng bawat akademikong papel ay may mga hakbang at panuto na dapat sundin, nalilinang din sa pagsulat nito ang pagkamasunurin at disiplina.

 4. Ang akademikong pagsulat ay isang paghahanda sa propesyon.

 Hindi lamang mga propesyonal na manunulat tulad ng mga mamamahayag at mga awtor ang nagsusulat. Halos lahat ng mga maiisip na propesyon ay kinasasangkutan ng pagsulat.

Halimbawa, ang mga doctor ay gumagawa ng medical abstract at patient’s medical history. Ang mga abugado ay nagsusulat ng pleadings at position papers. Ang mga pulis ay nagsusulat ng police report at blotter.

Ang iba pang mga propesyonal ay hinihingan ng kung ano-anong pasulat na report magkaminsan man o palagian, sa pribado man o publikong sektor. Kung gayon, ang akademikong pagsulat sa Senior High School (SHS) sa academic track ay hindi lamang isang paghahanda sa mga mag-aaral sa mga higit na mapanghamong gawain sa kolehiyo.

Totoo namang ang SHS ay nagsisilbing tulay upang mapunan ang dating umiiral na gap sa pagitan ng hayskul at kolehiyo. Higit na prospektibo ang layunin ng akademikong pagsulat sa SHS at ito ay ang paglinang ng global na kompetetibnes sa mga Pilipinong propesyonal.

Mga Anyo ng Akademikong Pagsulat

 Maraming anyo ang akademikong pagsulat. Pinakapopular na marahil sa mga ito ang reaction paper at term paper dahil sa dalas ng pagpapagawa ng mga ito sa mga mag-aaral sa mataas na paaralan.